MANILA, Philippines – Dinaluhan at pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, kinikilala sa kanyang krusada sa reporma sa kalusugan, ang inagurasyon ng Super Health Center sa Moalboal, Cebu.
Ang nasabing pasilidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng senador na mailapit ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng mga Pilipino, lalo na sa mga komunidad.
Sa kanyang pagsasalita, sinabi ni Go na napakahalaga ng Super Health Centers para maibigay ang tamang serbisyong medikal sa bawat Pilipino.
“Hindi po dapat maging hadlang ang kahirapan para makapagpa-check-up o magpagamot.”
Ang Super Health Center sa Moalboal ay may mga kagamitan upang pangasiwaan ang mga serbisyo sa pangunahing pangangalaga, mga medikal na konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit.
Nilalayon nitong mabawasan ang pagsisiksikan at pasanin sa malalaking ospital sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangalagang pangkalusugan sa antas ng komunidad.
Ang bawat municipal health office at ang local government unit (LGU), katuwang ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng Konsulta program nito, ay maaaring magbigay ng libreng konsultasyon at serbisyo.
“Patuloy po akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot ng aking makakaya. Isa po itong paraan upang ilapit ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan,” ani Go.
May inilaang pondo para sa pagtatayo ng mahigit 600 Super Health Centers sa buong bansa at mahigit-kumulang 100 pa ngayong taon.
Sa lalawigan ng Cebu lamang, 21 pasilidad ang nakatakdang mabuksan na nagpapalakas sa lokal nitong imprastraktura sa healthcare.
Kinilala ni Senator Go ang mga pangunahing opisyal na sumuporta sa proyekto, kinabibilangan nina Cebu Governor Gwendolyn Garcia, Vice Governor Hilario Davide III, Moalboal Mayor Inocentes Cabaron, Yvonne Cabaron, at Vice Mayor Paz Rozgoni.
Bukod dito, hinimok ni Senator Go ang mga residente ng Moalboal at mga Cebuano na gamitin ang tulong-medikal mula Malasakit Centers sa lalawigan. Ang Cebu ay tahanan ng ilan sa one-stop shop na ito na matatagpuan sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), St. Anthony Mother and Child Hospital, at Cebu City Medical Center—lahat sa Cebu City.
May Malasakit Centers din sa Eversley Childs Sanitarium and General Hospital sa Mandaue City, Cebu South Medical Center sa Talisay City, Lapu-Lapu City District Hospital sa Lapu-Lapu City, at Cebu Provincial Hospital sa Carcar City.