Kaugnay ng nakababahalang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa Metro Manila, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa mga komunidad na maging maingat, mapagbantay at kumilos nang nagkakaisa upang ito ay maiwasan.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan para sa isang komprehensibong diskarte na kinasasangkutan ng aktibong partisipasyon ng komunidad.
“Magkaisa tayo sa pagtugon laban sa leptospirosis. Ang pagiging alerto at handa ay makapagliligtas ng buhay,” aniya.
Ani Go, mahalaga ang kamalayan ng komunidad tungkol sa mga panganib ng pagkakalantad sa tubig-baha at ang kritikal na pangangailangan sa maagang pagkilala sa sintomas at konsultasyon sa medisina.
Suportado niya ang panukala ng Department of Health na ipagbawal ang paglangoy sa tubig-baha, isang hakbang na tatalakayin pa ng Metropolitan Manila Development Authority.
Hinimok ni Go ang publiko na sumunod sa paalala ng health workers na sa panahon ng tag-ulan at pagbabaha, isa sa mga sakit na dapat bantayan ay ang leptospirosis. Mahalaga aniya na maging maingat at alisto sa ating kalusugan.
Sa kamakailang data, isiniwalat na higit sa 60% ng admission ng leptospirosis sa San Lazaro Hospital sa Maynila ay malubha, kung saan kasalukuyang ginagamot ng ospital ang 149 pasyente—mas mataas kumpara sa nakaraang average.
Marami sa mga kasong ito ay nalantad sa bakterya sa panahon ng pagbaha na dulot ng Bagyong Carina, kung saan maraming mga biktima ang lumangoy sa kontaminadong tubig-baha.
Ang seryosong katangian ng kasalukuyang pagtaas ay nagresulta sa 49 malubhang kaso at 8 pagkamatay dahil sa mga komplikasyon tulad ng renal failure at pulmonary hemorrhage.
Sa gitna ng mga hamong ito, itinaguyod ni Go ang paggamit sa Malasakit Centers. Ito ay one-stop shop na sumusuporta sa mahihirap na pasyente sa pagbabawas ng kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.
“Huwag ho kayong mahihiyang lumapit sa mga Malasakit Centers. Para po ‘yan sa Pilipino. Nalulungkot po ako tuwing may mga nag-aalangang magpatingin sa doktor dahil natatakot sila sa babayaran sa ospital. Pangalagaan niyo po ang inyong kalusugan at ang Malasakit Center ay handang tumulong sa inyo!,” ayon kay Go.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Sa kasalukuyan, 166 Malasakit Centers ang operational na sa buong bansa.
Itinutulak din ni Go ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Center sa buong bansa dahil makatutulong ito nang malaki upang mabawasan ang rate ng occupancy sa ospital habang inilalapit ang mga serbisyong medikal ng gobyerno sa indigents
Ang mga Super Health Center ay idinisenyo upang pagtuunan ang pangunahing pangangalaga, konsultasyon, maagang pagtuklas, higit pang pagpapalakas sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, lalo sa mga mahihirap na komunidad.