MANILA, Philippines – Nagpalabas ng show cause order ang Quad Committee ng Kamara laban sa executive assistant ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque at iba pa na hindi nakadalo sa isinasagawang pagdinig kaugnay sa usapin ng POGO, illegal drugs at extrajudicial killings.
Kasama na pinagpapaliwanag ng QuadComm ang executive assistant ni Roque na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna.
Hindi naman nakadalo sa pagdinig si Roque dahil sa may nakaiskedyul itong court hearing sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Pinabeberipika ng QuadComm sa House Secretariat kung may naging appearance si Roque sa MRTC at kung mapapatunayan na wala ito sa korte ay iisyuhan din ng show cause order.
Matatandaan na nang lumutang ang pangalan ni Roque na may kaugnayan sa POGO ay nadawit din ang pangalan ni dela Serna na naging kinatawan ng bansa para 2016 Mister Supranational na ginanap sa Poland.
Isang appointment paper ni Dela Serna bilang executive assistant ni Roque ang nadiskubre ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isinagawang raid sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga.
Maliban sa appointment ay nakakita din ng affidavit na pirmado ni Roque na nagsasabing ang huli ang may full responsibility sa financial needs ni dela Serna sa byahe nito sa Poland, Ukraine at Italy.
Kasama din sa listahan na binigyan ng show cause order sina Bamban Acting Mayor Eraño Timbang, mga department heads ng Bamban, Tarlac at mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Inc, incorporators ng Baofu Land Corporation, mga nasa likod ng Lucky South 99 Outsourcing Inc., Lucky South 99 Corp, incorporators ng Whirlwind, Biancham Holdings and Trading Inc at iba pa. Gail Mendoza/Meliza Maluntag