Home NATIONWIDE Bong Go: Magbantay vs bagong variant ng COVID-19 sa Asya, U.S.

Bong Go: Magbantay vs bagong variant ng COVID-19 sa Asya, U.S.

309
0

MANILA, Philippines- Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa health authorities na agad kumilos sa lumalaganap na bagong variant ng COVID-19 na NB.1.8.1 sa buong mundo.

Habang hinihikayat niya ang publiko na magbantay at mag-ingat, binigyang-diin niya na mahalagang maging mahinahon at nakabatay sa agham ang pagtugon at paghahanda sa umuusbong na sitwasyon.

“Ang mahalaga, handa tayo. Alam natin kung nasaan na ang banta, at kung sapat ba ang mga hakbang na ginagawa ng mga ahensya para harapin ito,” anang senador.

Ang variant ng NB.1.8.1, na pinaniniwalaang nasa likod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa China at Hong Kong, ay nakita sa ilang bansa na kinabibilangan ng Taiwan, France, at United States. 

Ang mga ulat mula sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ay nagpapahiwatig na ang variant ay natagpuan sa pagdating ng international travelers sa mga paliparan sa California, Washington, New York, at Virginia. 

Mula roon ay nakumpirma na ito sa maraming estado kabilang ang Ohio, Hawaii, at Rhode Island.

Bagama’t ang NB.1.8.1, batay sa mga naunang pag-aaral, ay hindi gaanong  immune-evasive kaysa sa iba pang umiikot na variant, ito ay nagpapakita ng cell-binding capabilities, at may potensyal na maging transmissible.

Ang admission sa ospital na nauugnay sa COVID-19 sa Hong Kong ay umabot na sa pinakamataas na punto sa loob ng mahigit isang taon habang sa Taiwan ay umakyat sa kritikal ang impeksyon at pagkamatay, dahilan upang simulan ng mga opisyal sa kalusugan ang pag-iimbak ng mga bakuna at mga gamot na antiviral bilang paghahanda.

Kaugnay nito, sinabi ni Go na ang Pilipinas ay nananatiling vulnerable dahil sa open borders at high volume ng inbound travelers.

“Bukas pa rin ang mga paliparan kaya mahalagang tanungin: ano ang sistema ng monitoring na ginagawa ng DOH (Department of Health) ngayon? Handa ba ang mga ospital natin kung sakaling lumala ang sitwasyon? May proteksyon ba tayo mula sa mga bakuna na naiturok noon?” tanong niya.

Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan para sa transparency at information-sharing,  lalo’t may mga bansa na hindi ganapa na nagsisiwalat ng kanilang data.

Nais ni Go na ituloy ang karagdagang mga reporma sa kalusugan upang palakasin ang healthcare system sa bansa para matugunan ang mga banta sa hinaharap sa kalusugan ng mga Pilipino.

“Hindi tayo dapat magsayang ng pagkakataon. Kung mayroong isang aral na natutunan natin mula sa pandemya, ito ay ang kahalagahan ng napapanahon, organisado, at nakabatay sa agham na pagtugon,” pagtatapos niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here