Home NATIONWIDE Bong Go: Magbayanihan!; Malasakit Team naghahanda na sa relief distribution sa nasalanta...

Bong Go: Magbayanihan!; Malasakit Team naghahanda na sa relief distribution sa nasalanta ng bagyo

160
0

MANILA, Philippines- Habang tumitindi ang tag-ulan matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at ng habagat, nananawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa mas mahigpit na pagbabantay at paghahanda ng mga Pilipino, lalo sa mga lugar na madalas bahain at sensitibo sa kalamidad.

“Mga kababayan ko, sana ay nasa ligtas kayong lugar ngayon matapos ang paghagupit ng habagat na pinalakas pa ng bagyong ‘Carina’ habang papalabas ito ng bansa. May mga lugar sa Metro Manila na matagal na ring hindi nakararanas ng pagbaha pero bigla na namang nasalanta. Kaya paalala po natin sa ating mga kababayan, manatiling alerto at laging mag-ingat,” ani Go.

Ang Malasakit Team ni Go ay naghahanda para sa relief distributions at feeding programs na isasagawa sa mga susunod na araw upang tulungan ang mga apektadong komunidad. 

“Magbayanihan at magmalasakit tayo sa kapwa upang malampasan ang panibagong pagsubok na ito. Anumang tulong, malaki man o maliit, ay ibigay po natin sa ating mga kababayang nangangailangan,” dagdag niya. 

Sa gitna ng mga hamon na dulot ng panahon ng bagyo at tag-ulan, binibigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapatibay ng mga mekanismo ng paghahanda at pagtugon sa komunidad. 

“Sa bawat bagyong dumadaan, napatunayan nating mahalaga ang bawat hakbang ng maagang paghahanda. Kailangang magtulungan tayo upang maprotektahan ang bawat isa, lalo na ang ating mahihirap na kababayan na pinakaapektado tuwing may kalamidad,” anang senador.

Sa Senado, patuloy na isinusulong ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa pamamagitan ng Senate Bill No. 188, na kanyang inihain. Ang panukalang batas na ito ay naglalayong pahusayin ang kakayahan ng bansa sa pagpigil sa panganib ng kalamidad, paghahanda at pagtugon sa emergency, at mabilis na pagbangon pagkatapos ng mga sakuna.

“Kung saka-sakaling maisabatas, magkakaroon po ng departamentong nakatutok na may cabinet-secretary level na siyang magtitimon. Hindi lang coordinating council o task force,” paliwanag niya.

“Ibig sabihin, ito na po ang makikipag-coordinate bago dumating ang bagyo, preposition of goods, and coordination with LGUs para ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo ay restoration of normalcy kaagad at rehabilitation efforts para tuloy-tuloy po silang makabangon,” ani Go. 

Bukod dito, sinusugan din ni Go ang SBN 2451, kilala bilang Ligtas Pinoy Centers bill, na pangunahing itinataguyod ni Senator Jinggoy Estrada. Ang panukalang batas na ito ay layong magtatag ng mga permanente at kumpleto sa gamit na mga evacuation center sa buong bansa. 

“Importante ang mga ito upang hindi na kinakailangang magtipun-tipon ang ating mga kababayan sa mga covered courts at paaralan lamang sa panahon ng sakuna,” paliwanag niya.

Ang habagat na pinalakas ng bagyong Carina, ay nagdulot ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon, na nag-udyok ng state of calamity declaration sa Metro Manila. Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa potensyal na lakas ng super typhoon bago mag-landfall si Carina. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here