Home NATIONWIDE Bong Go: Malasakit sa Kooperatiba suportahan, palakasin

Bong Go: Malasakit sa Kooperatiba suportahan, palakasin

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na napakahalaga ng pagsuporta ng gobyerno sa pagpapalakas sa mga kooperatiba dahil sa malaking kontribusyon nito sa pagbibigay ng kabuhayan at pagtaas ng kita ng mga miyembro.

Sa pamamagitan ng mga hakbangin tulad ng programang Malasakit sa Kooperatiba, patuloy na nagtataguyod si Senator Go ng mga hakbang na mag-aangat sa maliliit na organisasyon at kooperatiba sa buong bansa.

Isang halimbawa ng epekto ng programa ay ang Matilo Santo Niño Water Service Cooperative (MASTOWASECO), na nakabase sa Nabunturan, Davao de Oro.

Ang kooperatiba, na nahirapang mapanatili ang suplay nila sa tubig dulot ng sunod-sunod na mapangwasak na lindol sa lalawigan, ay nakatanggap ng financial grant sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba program, na pinasimulan ng Cooperative Development Authority (CDA) sa suporta ni Go.

“Alam po natin ang malaking papel ng mga kooperatiba sa pagpapaunlad ng ating lokal na ekonomiya, lalo na sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Ang bawat isa sa inyong mga samahan ay instrumento ng malasakit, pagkakaisa, at pag-asa para sa inyong nasasakupan,” sabi ni Go.

Ang pinansiyal na suporta, na pinadali sa pamamagitan ng CDA sa tulong ni Go, ay upang palakasin ang kapasidad ng mga kooperatiba na mapabuti ang kabuhayan ng mga miyembro at magbigay ng mas magandang pagkakataon.

Ibinahagi ng mga kinatawan ng MASTOWASECO kung paano nakatulong ang grant na maibalik ang kanilang operasyon.

Lubos na nagpasalamat ang MASTOWASECO sa suporta ni Senator Bong Go at sa tulong na kanilang natanggap upang mapabuti ang kooperatiba.

“Ito ang nagbigay daan sa aming gumawa ng mga aksyon para madagdagan ang suplay ng tubig na lubhang kailangan ng mga miyembro ng kooperatiba at ng komunidad,” ayon sa MASTOWASECO.

Ang programang Malasakit sa Kooperatiba ay bahagi ng Human Capital Development Program ng CDA, na itinataguyod ni Senator Go, miyembro ng committee on cooperatives at vice chairperson ng finance committee sa Senado. Kasama sa kanyang mga pagsisikap ang pagtiyak ng karagdagang pondo para sa mga programa ng kooperatiba mula sa pambansang badyet.

Muling pinagtibay ni Senador Go ang kanyang pangako ng pagsuporta sa mga kooperatiba bilang pagkilala sa kanilang napakalaking kontribusyon sa lokal na ekonomiya at panlipunang pag-unlad. RNT