Home NATIONWIDE Bong Go nagpaabot ng tulong sa displaced workers sa Batangas; trabaho at...

Bong Go nagpaabot ng tulong sa displaced workers sa Batangas; trabaho at kabuhayan mahalaga

1
0

MANILA, Philippines – Nagpaabot ng karagdagang tulong si Senator Christopher “Bong” Go sa 293 displaced workers na kabilang sa emergency employment program ng pamahalaan sa isinagawang orientation sa Cultural Center of Lipa Plaza sa Lipa City, Batangas nitong Martes, Nobyembre 17.

Layunin ng programa na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga mahihirap, disadvantaged at nawalan ng hanapbuhay na manggagawa habang nakikibahagi sa mga proyektong kapaki-pakinabang sa kanilang komunidad.

Batay sa inilatag na programa, inaasahang matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang sahod matapos ang 15 araw.

Namahagi rin ang Malasakit Team ni Go ng grocery packs, pagkain, damit, bitamina, ballers, ballpen, portable fans at basketball o volleyball. Namigay din ng mga sapatos para sa kalalakihan at kababaihan bilang mga premyo sa raffle.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang magkaroon ng mga programang nagbibigay ng pagkakataong kumita ang mga pamilyang nahihirapan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Go, malaking tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya ang bawat pisong maiuuwi ng mga manggagawa, lalo na para sa pagkain, bayarin sa kuryente at iba pang gastusin.

Bilang bahagi ng pagsusulong ng mas maraming oportunidad sa trabaho, inihain niya ang Senate Bill No. 177 o panukalang Rural Employment Assistance Act, na naglalayong gawing regular na programa ang pagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga kwalipikadong mahihirap, disadvantaged, displaced at seasonal workers sa mga komunidad sa kanayunan.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 174 o Indigent Jobseekers Assistance Act, na naglalayong tulungan ang mga kwalipikadong aplikanteng kapos sa pera sa gastusin sa paghahanap ng trabaho, kabilang ang mga dokumento, medical examination at pamasahe.

Bukod dito, isinusulong din ni Go ang Senate Bill No. 2247 o Sustainable Livelihood Program Act upang palakasin ang tulong pangkabuhayan at mga oportunidad na makapagdagdag ng kita para sa mga pamilyang nangangailangan.

Ayon sa senador, hindi madali ang paghahanapbuhay, lalo na para sa mga walang regular na trabaho. Kaya patuloy niyang isinusulong ang mga panukalang makatutulong upang magkaroon ng sariling pagkakakitaan ang mga Pilipino at masuportahan ang kanilang pamilya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan, local government units (LGUs) at mga opisyal ng barangay upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo at matiyak na makarating sa kanila ang mga programa.

Kabilang sa mga lokal na opisyal na dumalo sina Lipa City Councilors Mark Luancing, Junjun Gozos, Aries Macala at Mike Lina, gayundin si San Jose Vice Mayor Ben Patron.

Muli namang tiniyak ni Go ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga programang pangtrabaho at pangkabuhayan upang matulungan ang mga ordinaryong Pilipino na makabangon sa kanilang mga pinansiyal na suliranin at magkaroon ng mas matatag na pinagkukunan ng kita. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here