
MANILA, Philippines – Sa pagdiriwang na puno ng pananampalataya at pagkakaisa, nakiisa si Senator Christopher “Bong” Go sa El Shaddai sa pagdiriwang nito ng ika-40 anibersaryo sa Quirino Grandstand sa Maynila noong Sabado, kasabay ng ika-85 kaarawan ni Brother Mike Velarde, ang iginagalang na spiritual leader ng religious group.
Ang okasyon ay dinaluhan din ng iba pang pangunahing personalidad, kinabibilangan nina Senator Mark Villar, dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, Congresswoman Lani Mercado, Siniloan, Laguna Mayor Patrick Go, at iba pa.
Sa kanyang mensahe, taos-pusong binati ni Senator Go si Bro. Mike at ang buong El Shaddai community, kasunod ng pagpuri sa grupo sa kanilang hindi natitinag na pananampalataya at paglilingkod.
“Isang mapagpalang araw sa ating lahat, lalo na sa mga kapatid natin sa El Shaddai. Ngayon ay isang espesyal na araw sapagkat ipinagdiriwang natin ang ika-85 kaarawan ng ating minamahal na Bro. Mike Velarde at ang ika-40 anibersaryo ng El Shaddai—dalawang mahalagang milestone sa buhay ni Bro. Mike at sa kasaysayan ng inyong samahan,” ani Go.






