Lubos na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino matapos muling manguna sa pinakahuling nationwide survey ng Pulso ng Pilipino na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 3, 2025.
Nakakuha si Go ng 59 porsiyentong suporta mula sa mga respondent—pagtaas ng dalawang puntos mula sa dating 57 porsyento sa survey noong Abril 11 hanggang 15. Siya rin ang nananatiling top choice para sa pagka-senador at may naitalang 100 porsyentong awareness rating.
“Lubos po ang aking pasasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ninyo, aking mga kababayan,” ani Go.
“Hindi ko po ito sasayangin. Magseserbisyo ako sa abot ng aking makakaya at patuloy kong ipaglalaban ang inyong kapakanan at ang interes ng bayan.”
Muling pinagtibay ni Go ang kanyang determinasyong ipagpatuloy ang mga patakarang maglalapit ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan, lalo na sa mga nangangailangan.
“Ipagpapatuloy ko ang pagsusulong ng mga batas at programang makapaglalapit ng serbisyo sa mga tao, lalo na po sa mga kababayan nating walang ibang maaasahan kundi ang tulong mula sa pamahalaan,” aniya.
Binigyang-diin ni Go na nananatiling prayoridad niya ang pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino, lalo na sa pag-access sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.
“Dapat po nating gawing mas abot-kamay ang tulong-medikal at mga serbisyong pampubliko para sa mahihirap,” paliwanag ni Go.
“Palagi ko pong uunahin ang mga panukalang tunay na makatutulong sa mga nangangailangan.”
Kaugnay nito, nanawagan si Go sa mga Pilipino na suportahan ang senatorial slate ng DuterTEN, aniya, ang tagumpay ng grupo ay tagumpay rin ng bawat Pilipino.
“Suportahan natin ang buong DuterTEN team. Ang kapanalunan nila ay kapanalunan din ng bawat Pilipino,” dagdag ng senador.
Bukod sa Pulso ng Pilipino poll, nanguna rin si Go sa iba pang pangunahing survey.
Sa nationwide survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Abril 20 hanggang 24, 2025, nakakuha siya ng 62.2 porsyentong suporta mula sa mga botante. Samantala, sa survey ng Arkipelago Analytics mula Abril 26 hanggang Mayo 1, nakamit niya ang 63 porsyentong approval rating mula sa mga respondent. (RNT)