Home NATIONWIDE Bong Go: NTF-ELCAC palakasin, rebel returnees tulungan 

Bong Go: NTF-ELCAC palakasin, rebel returnees tulungan 

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Christopher “Bong” Go ang patuloy na pagsuporta at pagpapalakas sa mga hakbang ng gobyerno na mahikayat at matulungan ang rebel returnees na muling maibilang sa pangunahing lipunan.

“Dapat ‘yung malalayong barangay, engganuhin ang mga kababayan natin na naging rebelde na magbalik-loob sa gobyerno,” ayon kay Go.

Ginawa ni Go ang panawagan matapos ang pakikipagbakbakan ng militar sa Bukidnon, kung saan siyam na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang ang tatlong babae, ang napatay.

Naganap ang sagupaan sa Malaybalay City, ilang oras matapos ang deklarasyon ng unilateral ceasefire ng komunistang grupo noong Araw ng Pasko.

Idiin ni Go ang kritikal na pangangailangang palakasin ang mga programa tulad ng Balik-Loob Program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ang Balik-Loob Program, mas kilala bilang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), ay isang kritikal na inisyatiba ng gobyerno. 

Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Task Force Balik-Loob (TFBL) at kinikilala ang malaking papel na ginagampanan ng Armed Forces of the Philippines sa positibong epekto sa buhay ng mga dating rebelde.

Nilikha ng Administrative Order No. 10 noong 2018 sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang TFBL ay nagsisilbing central coordinating body para sa mga pagsisikap ng gobyerno sa reintegration ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front ( CPP-NPA-NDF), kasama ang kanilang mga pamilya.

Ang isang aspeto ng Balik-Loob Program ay ang Balik-Loob Lending Program nito, isang credit facility na inaalok ng LandBank. 

Ang loan program na ito na pangunahing benepisyo ng E-CLIP ay layong tulungan ang mga dating rebelde sa pagsisimula ng kanilang mga negosyo na sa huli ay makatutulong sa kanilang maayos na pagbabalik-buhay sibilyan.

Ayon kay Go, ang pagpapahusay sa mga kakayahan at abot ng NTF-ELCAC ay mahalaga sa pagpapaunlad sa mga lugar na naapektuhan ng insurhensya.

Idinagdag niya na sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pag-unlad, ang pinagbabatayang mga kondisyon ng kahirapan na kadalasang nagpapalakas ng suporta sa mga rebeldeng grupo ay mabisang matutugunan.

Binigyang-diin ng senador na sa pagbibigay-pansin sa mga programang nagpapadali sa pagbabalik ng mga rebelde sa lipunan, layon ng gobyerno na lumikha ng mas inklusibo at sustainable na landas tungo sa kapayapaan. RNT

Previous articleF2F interview para sa PH citizenship petitions muling gumulong
Next articleBalasahan sa DA umarangkada