MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go na patuloy niyang susuportahan ang mga batas at programa para sa kapakanan ng mga senior citizen sa bansa, lalo ang mga mahihirap.
Kahapon ay pinuri ni Go ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11916 o ang batas na nagdodoble sa social pension ng mga kwalipikadong senior citizen.
Ang RA 11916, na co-authored mismo siya sa Senado, ay nagtaas ng monthly stipend ng indigent senior citizens mula P500 hanggang P1,000. Inaatasan din ng batas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na suriin at ayusin ang halaga ng social pension kada dalawang taon, batay sa consumer price index at iba pang economic indicators.
Ayon sa DSWD, mahigit 2,000 benepisyaryo sa National Capital Region ang nakatanggap na ng pinataas na social pension mula nang magkabisa ang batas noong Hulyo 2022. Tiniyak ng DSWD na mayroon itong sapat na pondo para mabayaran ang karagdagang pension para sa apat na milyong kwalipikadong indigent senior.
“Ang batas na ito ay patunay ng aming malasakit at pagpapahalaga sa ating mga senior citizen na nag-ambag sa pag-unlad ng ating bansa. Hindi namin sila pababayaan, lalo na ang mga mahihirap at pinakanangangailangan,” sabi ni Go.
Binanggit din ni Go ang kanyang co-authorship at co-sponsorship sa Senate Bill No. 2028 na naglalayong palawakin ang saklaw ng Centenarians Act of 2016 sa mga Pilipinong umabot sa edad na 80 at 90 sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng P10,000 at P20,000 cash gift, ayon sa pagkakabanggit.
Ang panukalang batas, na pangunahing itinaguyod ni Senador Imee Marcos, ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Setyembre 2023.
“Maganda rin na may inaasahan ang ating mga senior citizen na tumutuntong sa 80, 90 at 100 years old. Anuman ang halaga, maaari itong maging inspirasyon sa kanila para mas maging positibo ang pananaw at mag-improve ang kanilang katayuan,” dagdag ni Go.
Sa ilalim ng Centenarian Act of 2016, binibigyan ng P100,000 cash gift ang mga aabot sa edad na 100. At dahil hindi lahat ay umaabot sa edad na isang siglo, isinulong ni Go at mga kapwa mambabatas na gawin itong 80 at 90 taong gulang.
Samantala, hinimok ni Go ang mga senior citizen na gamitin ang mga serbisyo ng Malasakit Centers. Aniya, may espesyal na lane ang Malasakit Centers para sa senior citizen para mapabilis ang kanilang mga transaksyon.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng RA 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Mayroon na ngayong 159 fully operational Malasakit Centers sa buong bansa.
Ipinaalala ni Go sa senior citizens na nais mag-apply para sa social pension program na makipag-ugnayan sa mga local social welfare offices at isumite ang mga kinakailangang papeles.
Matatandaang nanawagan si Go na i-update ang listahan ng indigent senior citizen noong Oktubre upang matiyak na maisasama ang lahat sa mga benepisyo. RNT