Home NATIONWIDE Bong Go: Pondo ng publiko, babantayan ko

Bong Go: Pondo ng publiko, babantayan ko

146
0

MANILA, Philippines – Nangako si Senador Christopher “Bong” Go na patuloy niyang babantayan at poprotektahan ang pampublikong pondo, lalo na sa larangan ng kalusugan, upang masiguro ang mabilis at abot-kayang serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino, partikular ang mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Go na sa kanyang panibagong mandato mula sa taumbayan, mananatiling pangunahing adbokasiya niya ang mga reporma sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang pagpapalawak ng access sa serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.

“Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, tinutukan ko ang kalusugan—Malasakit Centers, Super Health Centers, at mga (Regional) Specialty Centers,” ani Go.

Dagdag pa niya, “Babantayan ko po itong PhilHealth dahil naniniwala po ako na ito ay para sa kalusugan. Hindi ito negosyo—insurance ito na masasandalan lalo na ng mahihirap kapag nagkasakit.”

Matatandaang dahil sa kanyang mga pag-uusisa at panawagan, nangako ang PhilHealth na paghuhusayin ang benefits package para sa mga pangunahing sakit na sanhi ng pagkamatay ng maraming Pilipino tulad ng sakit sa puso, diabetes, at karamdaman sa baga.

Binigyang-diin din ni Go ang naging progreso sa pagresolba sa pagkaantala ng Health Emergency Allowances (HEAs) ng mga kuwalipikadong frontliners.

“Finally, nabayaran ang mga HEA ng health workers. Tinutukan din natin ang PhilHealth. Marami silang ipinangakong reporma ngayong taon na kailangan nilang tuparin. Pinapirmahan ko sila—marami pa silang kailangang baguhin sa kanilang mga polisiya,” dagdag ng senador.

Pagbalik niya sa Senado, sinabi ni Go na agad siyang magtatrabaho.

“Tapos na ang eleksyon. Let’s buckle down to work. Mas kailangan po ng ating mga kababayan na magsimula na ang trabaho ng kanilang mga lider.”

Samantala, nagpasalamat din si Senador Go sa Iglesia ni Cristo sa ibinigay na tiwala at suporta.

“Maraming salamat po, mga kapatid sa Iglesia ni Cristo, sa inyong tiwala at suporta. Patuloy po akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya. God is good, God is fair. Pinagpapala ang nagpapakumbaba. With all humility and sincerity, thank you very much for the trust.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here