Home NATIONWIDE Bong Go sa Davao Oriental State University grads: Go Nang Go sa...

Bong Go sa Davao Oriental State University grads: Go Nang Go sa inyong pangarap!

MANILA, Philippines – Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa commencement exercises ng Davao Oriental State University (DORSU) sa main campus nito sa Mati City, Davao Oriental bilang panauhing pandangal at tagapagsalita.

Ipinagdiwang sa okasyon ang mga nagawa ng 1,516 nagsipagtapos mula sa iba’t ibang faculty, kabilang ang Graduate School, Faculty of Agriculture and Life Sciences, Faculty of Computing, Data Sciences, Engineering, and Technology, Faculty of Governance, Business, and Management, Faculty of Nursing and Allied Health Sciences, at Faculty of Teacher Education.

Pinuri ni Senator Go ang mga nagsipagtapos sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng kanilang akademikong paglalakbay.

“You should all congratulate yourselves for reaching this far. Despite being from different courses, you have each faced and overcome your unique challenges,” ani Go.

Ipinaabot din ng senador ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga magulang sa kanilang mahalagang papel na pagsuporta sa mga nagsipagtapos.

“Bilang isang magulang din, iba ang feeling ng isang ama na makapagtapos ang kanyang anak. Mayroon lang akong pakiusap sa mga graduates, pasalamatan natin ang ating mga magulang. Halikan natin, yakapin natin mamaya sa pag-uwi,” hikayat ng senador sa graduates.

Pinuri rin ng mambabatas ang mga guro at ang buong komunidad ng DORSU sa kanilang mga nagawa para sa edukasyon. Kinilala niya ang unibersidad bilang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral at ang mga guro bilang pangalawang magulang.

Hinimok ng senador ang mga nagsipagtapos na patuloy na matuto kahit nagtapos sa pag-aaral.

Ibinahagi niya na ang pag-aaral ay hindi tumitigil sa pagtatapos sa pagsasabing kahit isa na siyang senador ay patuloy siyang natututo.

Ikinuwento niya na hindi inaasahan ang kanyang paglalakbay sa Senado, ngunit ang kanyang pagnanais na maglingkod at tumulong sa mga tao ang gumabay sa kanya.

“May pakiusap lang ako sa inyo mga estudyante, sa mga graduates, bagong challenge ito sa inyo. Mahalin ninyo ang kapwa, mahalin ninyo ang inyong mga magulang. (Malay niyo,) pagdating ng panahon, (pumasok kayo sa) public service (tulad ko) at magseserbisyo kayo sa mga mamamayan. Go lang nang go sa pag-abot sa inyong pangarap!” sabi ni Go.

Tiniyak ni senador sa mga nagsipagtapos ang kanyang patuloy na suporta sa mga programang magpapahusay sa sistema ng edukasyon. RNT