Home NATIONWIDE Bong Go sa mga iskolar: Ituloy ang inyong pangarap

Bong Go sa mga iskolar: Ituloy ang inyong pangarap

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng patuloy na pagsuporta si Senador Christopher “Bong” Go sa Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED) — idinisenyo upang magbigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na mag-aaral na naghahanap ng mga pagkakataon sa mas mataas na edukasyon.

Ayon kay Go, ang nasabing programa ay naging isang kritikal na landas para sa marami upang ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa akademiko.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa si Christine Yanga, isang 4th-year graduating student ng BS Criminology sa University of Perpetual Help System sa Calamba City, Laguna. Lubos na pinasalamatan ni Yanga si Go sa mga pagsisikap ng senador na suportahan ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng scholarship program ng CHED.

Sa Recognition Day ng paaralan kamakailan, ikinuwento ni Yanga, anak ng isang solo parent, ang kanyang mga karanasan at paghihirap bago maging benepisyaryo ng TDP.

Inihayag niya kung paano siya nagtitinda ng pagkain sa loob ng campus para pondohan ang kanyang pag-aaral.

“Second year college, first sem’ po nung una po akong nakatanggap ng grant from TDP, at sobrang laking tulong po nito sa akin dahil ang pinagkukuhanan ko lang po ng aking pang-tuition ay galing sa mga tinitinda ko pong pagkain na hanggang ngayon po tinitinda ko pa rin sa aking mga kaklase at sa campus,” kuwento ni Yanga.

Pinuri ni Go, miyembro ng Senate committee on basic education, ang mga iskolar sa kanilang pinaghirapang tagumpay sa edukasyon. Binigyang-diin din niya ang halaga ng edukasyon at ang mahalagang papel nito sa pagtataguyod ng pambansang pag-unlad.

“Isang karangalan po para sa akin na makasama kayo dito sa University of Perpetual Help (System) para ipagdiwang ang lahat ng achievements ng ating scholars sa araw na ito… narito tayo ngayon para kilalanin ang inyong pagsisikap at pagpupunyagi,” deklara ni Go sa kanyang talumpati.

Malaki ang naging papel ni Go sa pagtataguyod ng sapat na pondo para makapagbigay ng scholarship sa mga estudyanteng Pilipino sa buong bansa sa pamamagitan ng TDP ng CHED. Dahil sa kanyang walang tigil na pagsisikap, nabigyan ng access ang mga kabataang Pilipino sa de-kalidad na tertiary education.

Binigyang-diin niya na ang edukasyon ay dapat manatiling prayoridad para sa gobyerno at ang kalidad ng edukasyon ay dapat na maabot ng lahat.

Sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinasa ng gobyerno ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nagbigay ng napakalaking suporta sa mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng libreng matrikula sa mga lokal na kolehiyo, unibersidad, at state-run technical vocational institutions.

Batay sa mga tagumpay ng Republic Act No. 10931 o ang Universal Access To Quality Tertiary Education Act, co-authored at co-sponsor si Go ng Senate Bill No. (SBN) 1360 na naglalayong palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES).

Itinulak din ni Go ang pag-institutionalize ng Alternative Learning System (ALS) at pagpapabuti ng essential education para sa mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng co-authoring sa RA 11510. RNT

Previous articleNBA: Lakers pinadapa ng Nuggets; 40K points naitala ni LeBron
Next articleWalang inaasahang sama ng panahon sa susunod na linggo – PAGASA