MANILA, Philippines – Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang healthcare benefits nito, partikular sa mga nangungunang karamdaman na sanhi ng kamatayan sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate committee on health and demography na kanyang pinamunuan, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang tugunan ang mga pangunahing isyu sa kalusugan sa pamamagitan ng pagsakop sa preventive healthcare at improved benefits package.
“Our mission for much improved public healthcare and expanded health services does not end with the scrapping of the [single period of confinement] policy,” sabi ni Go sa kanyang opening remarks.
Binanggit ni Go ang kapasidad ng PhilHealth na aniya ay may sapat na resources ngunit hindi nama-maximize ang mga serbisyo para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Ayon kay Go, may sobra-sobrang pera ang PhilHealth kaya hinimok niya ang ahensiya na gumawa ng marami pang benefit packages, increase case rates, para hindi na magastusan pa ang taumbayan.
Bilang tugon, sinabi ni PhilHealth Executive Vice President Atty. Eli Santos na sinisikap ng ahensya na tuparin ang mga pangako nito. Aniya ang ahensya ay nakatuon sa pagtaas ng mga case rates ng 50% sa kabuuan bago ang katapusan ng Nobyembre 2024.
Bukod dito, ang PhilHealth ay nakatakdang maglabas ng pinalawak na expanded dental benefits package sa December 2024, gayundin ng mga alituntunin sa emergency care coverage.
Umaasa si Go na tutuparin ng ahensiya ang mga pangakong binitiwan para sa mamamayang Pilipino.
Isa sa mga kritikal na puntong pinukaw sa pagdinig ay ang pangangailangang pagtuunan ang mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Sinabi ni Dr. Tony Leachon na isang ring tagapagtaguyod ng kalusugan, na anumang pagtaas ng case rate ay dapat targetin ang pinakakaraniwan at deadliest na sakit.
Idiin niya na ang mga kundisyong ito ay account para sa 80% ng pagkamatay sa bansa kaya dapat na unahin upang magkaroon ng makabuluhang epekto sa pampublikong kalusugan.
Suportado ni Go ang panawagan para sa transparency kaya hiniling niya sa PhilHealth na magbigay ng konkretong numero kung magkano sa reserve funds ang gagamitin sa pagpapalawak ng benepisyo at kung ano ang mga hakbang upang maiwasan ang maling pamamahala sa mga pondong ito sa hinaharap.
Sinuportahan din ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo ang panawagan ni Go na tugunan ang mga nangungunang sakit sa pagsasabing marami rito ang nagreresulta sa pagpasok sa ospital na maaaring magamot nang mas maaga kung may tamang preventive care.
Ayon kay Go, ang agarang pangangalaga at mga serbisyong pang-emergency ay napakahalaga upang mabawasan ang admission sa ospital at mailigtas ang mga buhay. RNT