MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isakatuparan na ang pangako nitong palalawakin ang healthcare benefist sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) Act, partikular na ang mental health services.
Noong Oktubre 14, nakatanggap si Go ng liham mula sa PhilHealth na nangangakong pahuhusayin ang mga benefits package nito bago ang Disyembre 31, 2024.
Binigyang-diin ng PhilHealth na layon nitong magbigay ng pantay access sa mahahalagang healthcare services gaya ng ipinag-uutos ng Republic Act No. 11223, mas kilala bilang Universal Health Care Act.
Ipinaalala naman ni Go sa PhilHealth na sundin ang mga responsibilidad nito, lalo ang mga kritikal na serbisyo.
“Ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino, kabilang ang mental health, ay hindi pwedeng isantabi. Sa loob ng isang taon, sana makita na ng ating mga kababayan ang mga serbisyong ito,” sabi ni Go.
Alinsunod sa RA 11223, nangako ang PhilHealth na palalawakin ang benefits packages nito, kasama na ang serbisyo sa kalusugan ng isip. Saklaw sa inisyatibang ito ang konsultasyon, psychosocial intervention, at mahahalagang gamot sa katapusan ng 2024.
Binanggit ni Go na tumataas ang alalahanin sa kalusugan ng isip, lalo sa mga kabataan, kaya ang pagtugon sa isyung ito ay dapat na gawing prayoridad.
Sa kasalukuyan ay isinusulong ng senador ang Senate Bill No. 1786, isang panukalang mag-aatas sa public higher education institutions (HEIs) na magtatag ng Mental Health Office sa mga campus. Maglalagay dito ng mga serbisyo gaya ng campus hotline at mga tauhan na sinanay ng guidance counselor at special support para sa mga estudyanteng nasa panganib.
“Ang ating mga kabataan, lalo na sa mga paaralan, ay hindi dapat magdusa nang tahimik. Dapat may kaagapay sila na handang makinig at tumulong,”aniĀ Go.
“Kung maisabatas ang SBN 1786, mas mabibigyan natin ng suporta ang mga estudyanteng may pinagdadaanan pagdating sa kanilang mental health.”
Matagal nang ipinaglalaban ni Go ang mga hakbang na sumusuporta sa kalusugan ng isip na madalas ay hindi napapansin sa mga patakaran sa pampublikong kalusugan.
Kaya naman patuloy ang kanyang paalala sa PhilHealth na ang mga pangako nito ay dapat na makita sa pamamagitan ng tunay na pagpapabuti sa mga sistema ng suporta sa kalusugan ng isip sa buong bansa.
“Huwag nating kalimutan, ang UHC ay para sa lahat. Ang mga mahihirap at pinakanangangailangan, lalo na sa aspeto ng mental health, ay dapat maramdaman ang presensya ng gobyerno,” idiniin ni Go. RNT