MANILA, Philippines- Sa mahigit 8 milyong Pilipinong apektado ng Tropical Cyclones (TC) Kristine at Leon, tulad ng iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy na umaasa si Senator Christopher “Bong” Go na maisasabatas ng Senate Bill No. 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Bill, na nakatakdang dalhin sa Opisina ng Pangulo para sa pag-apruba at paglagda.
Sinabi ng NDRRMC, sa pinakahuling Situational Report nito sa pinagsamang epekto ng TC Kristine at Leon, nasa 8,632,035 katao na kabilang sa 2.2 milyong pamilya, ang naapektuhan ng dalawang bagyo.
Ang bilang ay sumasaklaw sa 17 rehiyon na may 82 lalawigan sa buong bansa. May kabuuang 163,039 katao mula sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 5, 6, 8, 9 at Caraga ang pre-emptively na inilikas.
Iniulat din ng NDRRMC na 655,912 katao ang nawalan ng tirahan sa “Kristine” at “Leon”, karamihan sa kanila ay nananatili sa labas ng mga evacuation center.
Bago mahalal noong 2019, kilala na si Go sa kanyang walang sawang pagsisikap at pagbisita sa mga biktima ng kalamidad. Sa lahat ng mga pagbisitang ito, palagi niyang hinihimok ang mga local government unit na tiyaking hindi lamang sapat na supply ang maibibigay sa evacuees bagkus ay protektahan din ang kanilang kaligtasan, privacy, at dignidad.
“Bukod sa agarang tulong at bilang mambabatas, patuloy nating isinusulong na palakasin pa ang ating disaster resilience measures sa ating bansa na kamakailan ay tinukoy ng Asian Development Bank bilang most disaster-prone sa Southeast Asia. Mula 2014 hanggang 2023, umabot na sa halos 43 milyong Pilipino ang naapektuhan ng mga kalamidad,”ang sabi ni Go.
Ang Ligtas Pinoy Centers bill, na pangunahing iniakda at inisponsoran ni Go, ay pasado na sa ikatlong pagbasa sa Senado. Bumubuo ito sa kanyang naunang adbokasiya para sa mandatory evacuation centers.
Layon ng kritikal na panukalang na magbigay sa mga lokal na pamahalaan ng mga pasilidad na idinisenyo para sa emergency sheltering.
“Schools and barangay facilities are often used as temporary evacuation centers, but these disruptions hamper their intended functions,” ani Go.
“Panahon na upang magkaroon ang bawat lokalidad ng ligtas at kumpleto sa supply na evacuation centers. Bukod sa kalusugan, kailangan ding mapangalagaan ang dignidad ng ating evacuees,” paliwanag ng senador.
Bilang isa sa pinaka-prone na bansa sa buong mundo sa kalamidad, ang Pilipinas ay nahaharap sa paulit-ulit na banta ng ma bagyo, baha, lindol, at iba pang panganib.
“It’s vital to have a robust framework in place to respond effectively to these challenges,” ani Go. Dagdag pa sa Ligtas Pinoy Centers, kailangan din ang pagpapasa ng komprehensibong disaster resilience policies na magpapalakas sa mga komunidad.
Kaya naman isinusulong ni Senator Go ang Senate Bill No. 188, o ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) Act na naglalayon magtatag ng isang dalubhasang ahensya ng pamahalaan upang maging sentralisado ang pagtugon sa mga kalamidad at mga pagsisikap sa pagbangon.
“Layunin ng panukalang ito na mapalakas ang ating kakayahan sa disaster risk reduction, paghahanda, pagtugon sa mga emerhensiya, at mabilis na pagbangon pagkatapos ng mga kalamidad,” paliwanag ni Go. RNT