Home NATIONWIDE Bong Go umayuda sa libong displaced workers, nag-inspeksyon sa SHC sa Masbate

Bong Go umayuda sa libong displaced workers, nag-inspeksyon sa SHC sa Masbate

Matapos mapansin na nakayapak lamang, pinaakyat sa entablado ang ginang na si Jennifer Guillon at binigyan ni Sen. Go ng isang pares ng sapatos.

MNILA, Philippines- Ipinamalas ni Senador Christopher “Bong Go” ang kanyang pangako na alisin ang agwat sa pagitan ng gobyerno at ng mamamayan.

Sa kanyang pagbisita sa Masbate kasabay ng Bagat Dagat Festival, ininspeksyon ni Go ang pagtatayo ng bagong Super Health Center na naglalayong ilapit ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad, at magbigay ng tulong sa mga nawalan ng kayod upang sila ay makarekober.

Ang pagbisita ay bahagi ng mga aktibidad ng senador na layong iangat ang buhay ng mga nahihirapang Pilipino, lalo ang mga nasa grassroots community, gaya ng bayan ng Cataingan.

Sa pagtitipon sa Cataingan Astrodome, namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng food packs, bitamina, face mask, kamiseta, basketball, at volleyballs sa mahigit 1,000 displaced workers. Bukod dito, nakatanggap ang mga piling benepisyaryo ng sapatos, bisikleta, cell phone, at relo.

Sa panahon ng pamamahagi, isang partikular na nakaaantig na sandali ang naganap nang mapansin ni Go ang isa sa mga dumalo, si Jennifer Guillon, na nakayapak lamang.

Dahil dito, personal niyang inimbitahan sa entablado si Jennifer at binigyan ng isang pares ng sapatos.

“Prayoridad ko ang pagsuporta sa pro-poor programs at dapat po ay sikapin ng gobyerno na walang magutom na Pilipino. ‘Yan po ang pakiusap ko parati sa kapwa ko lingkod bayan,” ayon sa senador.

Sa suporta niya, nag-alok din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Pinasalamatan ni Go ang mga opisyal ng lalawigan, kabilang si Cong. Wilton Kho, Cong. Ara Kho, Cong. Richard Kho, Gobernador Antonio Kho, Bise Gobernador Olga Kho, at Mayor Felipe Cabataña, sa kanilang patuloy na paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan.

Kasabay nito, binisita ni Go ang malapit nang matapos na Super Health Center sa Barangay Quezon, Cataingan.

Hinimok din ni Go ang komunidad na bisitahin ang Malasakit Center sa Masbate Provincial Hospital sa Masbate City para sa mabilis na access sa mga programang tulong medikal ng gobyerno.

Naging instrumento rin si Go sa pangunguna sa maraming proyektong pangkaunlaran sa buong Masbate bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Kabilang dito ang mga pangunahing pagtatayo ng kalsada at mga proyekto sa pagkonkreto tulad ng Asid-Tigbao-Bara-Malbug Road at Malubi-Cabangcalan-Dayhagan-Tinigban-Mataba Road sa Masbate.

Sa pamamagitan ng suporta ni Go, ang mga multi-purpose na gusali at pampublikong pasilidad ay naitayo o na-upgrade din sa iba’t ibang bayan, kabilang ang Multi-Purpose Building sa Aroroy Municipal College at mga katulad na community-centric na proyekto sa Cataingan at San Jacinto. Sinuportahan din niya ang construction ng Masbate Sports Arena, bukod sa marami pa.

Ang mga serbisyong pang-emerhensiya sa Masbate ay pinahusay din niya sa pagbibigay ng mga ambulansya at kinakailangang kagamitang medikal sa Baleno, Batuan, Dimasalang, Mandaon, at Milagros. RNT