MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng volunteerism, healthcare innovations, at community partnerships matapos siyang dumalo sa ika-77 Founding Anniversary ng Philippine Red Cross (PRC) at 75th Anniversary ng Quezon City Chapter nito noong Lunes.
Sa imbitasyon ni PRC Quezon City Chapter Governor Ernesto Isla, unang dumalo si Go sa inagurasyon ng bagong PRC Quezon City Chapter building sa Liwasang Aurora sa loob ng QC Hall compound, na sinundan ng mass oath-taking ceremony para sa 6,000 bagong PRC volunteers sa QC Memorial Circle.
Inilarawan ng senador na ang nasabing bagong pasilidad ay hindi lang basta isang gusali, kundi isa ring sentro ng pag-asa at tulong. Ipinapakita aniya nito ang hangaring maglingkod at ang dedikasyong makatulong sa mga nangangailangan.
Ibinahagi ni Go na sa pamamagitan ng inisyatiba ng PRC-QC Chapter sa pakikipag-ugnayan sa kanyang tanggapan, pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na maglagay ng Red Cross counter sa loob ng Malasakit Centers para mabigyan ng mas mabilis na access ang publiko sa blood facilities na pakikinabangan ng mahihirap na pasyente.
“Pareho po tayo ng layunin — ang tumulong sa mga nangangailangan at mailapit ang serbisyo na kailangan para makapagligtas ng buhay lalo na pagdating sa kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.
Ang Malasakit Centers ay isang one-stop shop para sa mahihirap na pasyente na nais mabawasan ang kanilang gastusin sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Mayroon nang 162 Malasakit Centers na operational sa buong bansa, na handang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente.







