MGA aping mahihirap ang inalisan ng pag-asa at mga may sakit ang lalong pagdurusahin sa ginawang pag-aalis ng pondo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health at isang health reforms crusader, kaugnay ng kanyang seryosong pagkabahala sa desisyong bokyain ng gobyerno sa subsidiya ang (PhilHealth).
“I believe that it does not give justice to deprive PhilHealth of the government’s subsidy entirely, as it is the poor, the hopeless, and the oppressed Filipinos who will suffer ultimately,”ani Go hinggil sa potensiyal na magiging masamang resulta sa nasabing desisyon.
Sinabi ni Go na ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin at ilaan para sa kalusugan ngunit na nalulungkot siya dahil ang pondo para sa PhilHealth ay inilihis para sa ibang layunin.
Sa kabila ng zero budget, hinamon ni Go ang PhilHealth na i-maximize nito ang mga maaaring magagamit na resources para sa kapakinabangan ng publiko.
Ikinababahala ni Go kung paano epektibong maipatutupad ng gobyerno ang pangako nito sa universal healthcare kung ganito ang sitwasyon. Hiniling niya sa PhilHealth na ilatag ang mga plano nito kung paano matutupad ang mga pangakong pagpapalawak ng mga benepisyo sa pamamagitan ng paggamit sa available resources nito.
“Paano ipatutupad ng PhilHealth ang mga pangako nito para sa mas magandang benepisyo sa healthcare kung walang pondong inilalaan? Makokompromiso ang mga reporma sa polisiya ng PhilHealth,” sabi ng senador.
Dahil dito, sinabi ni Go na ang Senate health committee ay magsasagawa ng tuluy-tuloy na buwanang pagdinig sa estado ng Philippine healthcare system at nakatakdang magpulong sa Disyembre 18 para magtanong ang tungkol sa mga plano ng PhilHealth at ng Department of Health.
Bagama’t sinabi ni Senator Go na may pagkukulang sa paggamit ng ahensya sa mga reserba nito, binigyang-diin niya na ang ganap na pagtatanggal ng subsidy ng gobyerno sa PhilHealth ay hindi makatwiran.
Nagbabala siya na ang hakbang ay maaaring makadiskaril sa pagpapatupad ng UHC Law, isang kritikal na batas na layong tiyakin ang abot-kaya at accessible na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
“Sa kasamaang palad, malayo pa tayo sa pagkamit ng layuning ito, at maaaring maging mas mahirap pa sa zero-subsidy allocation para sa susunod na taon,” idiniin niya. RNT