MANILA, Philippines — Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin at parurusahan ang mga nasa likod ng sistematikong korapsyon sa gobyerno at sisiguruhing maibabalik sa mamamayan ang mga pondong nawala dahil dito.
Sa joint press conference matapos ang bilateral meeting sa Germany, sinabi ni Marcos na seryoso ang kanyang administrasyon sa kampanya laban sa korapsyon, na aniya’y patuloy na sumisira sa kakayahan ng pamahalaan na maghatid ng mahahalagang serbisyo.
“[It is] as serious as it can get,” ani Marcos nang tanungin ng German media hinggil sa kanyang anti-corruption drive.
Ayon sa Pangulo, kailangang matukoy kung paano naging malala ang sistema ng korapsyon upang hindi na ito maulit sa hinaharap.
“We have to find those who are found to be part of this system of corruption, that they will be punished, and that they will provide restitution to the Filipino people,” ani Marcos.
Binalikan din niya ang kanyang paglalantad sa umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project ng pamahalaan na kanyang binanggit sa 2025 State of the Nation Address.
Sinabi ng Pangulo na hindi naging madali ang pagpapatupad ng kanyang kampanya laban sa korapsyon dahil kinakailangan ang malalaking pagbabago upang matigil ang mga abusadong gawain sa gobyerno.
“We had to turn everything on its head and to make very, very clear that these abusive practices that we had to suffer from before will no longer be allowed,” aniya.
“Because what they have taken is not my money or your money or a company’s money. It’s the money from the people.”
“And that is the worst sin of all as far as I’m concerned,” dagdag ng Pangulo. RNT