MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Erwin Tulfo nitong Martes na mag-i-inhibit siya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project ng pamahalaan.
Ayon kay Tulfo, si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang mamumuno sa isang subcommittee na hahawak sa naturang imbestigasyon.
Sinabi ni Tulfo, na bagong itinalagang chairperson ng Blue Ribbon Committee, na layunin ng kanyang pag-inhibit na tugunan ang mga panawagang huwag siyang humawak sa kaso at matiyak na maipagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Sabi ko pag nagkaroon ng special session, bubuuin na talaga ‘yung totoong Blue Ribbon. Bubuuin ‘yun at pagkatapos doon, mag-designate tayo ng subcommittee na hahawak ng lahat ng imbestigasyon sa flood control,” ani Tulfo sa isang panayam sa radyo.
Kinumpirma rin niya na si Pangilinan ang mamumuno sa subcommittee na hahawak sa usapin ng flood control.
“Kaya mag-i-inhibit po ako at hindi po ako hahawak ng flood control. Si Sen. Kiko po ang hahawak po ng flood control,” aniya.
Pinasinungalingan naman ni Tulfo ang mga alegasyong iniiwasan ng mayorya sa Senado ang imbestigasyon, at iginiit na itutuloy ito sa oras na pormal nang mabuo ang Blue Ribbon Committee.
“Hindi po, open po kami,” aniya, sabay dagdag na dapat na ring maisumite sa Office of the Ombudsman ang unang batch ng mga rekord mula sa mga naunang pagdinig kaugnay ng flood control projects.
Iginiit din ni Tulfo na hindi maituturing na opisyal na Blue Ribbon hearing ang isang pagpupulong na inianunsyo sa labas ng Senado dahil wala itong mga rekisito gaya ng Senate secretariat, mga recorder at video documentation.
“Hindi po pwedeng Blue Ribbon hearing kasi nga hindi siya official,” aniya.
Dagdag pa niya, ang mga testigo at alegasyon ay dapat iharap sa tamang forum ng Senado upang opisyal na maitala, masuri at magamit sa imbestigasyon ng komite. RNT