Home HOME BANNER STORY Bonoan, kinalos na ng Sandiganbayan bilang akusado sa flood control case

Bonoan, kinalos na ng Sandiganbayan bilang akusado sa flood control case

1
0

MANILA, Philippines — Pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ng Office of the Ombudsman na alisin bilang akusado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y ₱573-milyong kickback scheme sa flood control projects.

Sa botong 2-1, kinilala ng anti-graft court ang kapangyarihan ng Ombudsman na magpasya kung sino ang gagamiting testigo ng prosekusyon, ayon sa magkahiwalay na ulat ng GMA News at Inquirer.net nitong Martes.

Nauna nang hiniling ng Ombudsman na ma-discharge si Bonoan bilang akusado matapos itong pumayag na makipagtulungan sa imbestigasyon at tumestigo bilang state witness sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Noong Hunyo, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mahalaga ang kaalaman ni Bonoan sa operasyon ng DPWH upang makatulong sa pagbuo ng iba pang kaso kaugnay ng kontrobersiya.

Kinasuhan noong Mayo sina Bonoan, Sen. Jinggoy Estrada at tatlong dating opisyal ng DPWH ng plunder at graft dahil sa umano’y sistemang nagresulta sa ₱573 milyong illicit payouts o kickbacks mula sa mga infrastructure project.

Gayunman, ang desisyon ay tumutukoy sa mga kasong hawak ng Sandiganbayan Fifth Division. May hiwalay na graft case na hawak ng Second Division, na naunang tumanggi sa kahilingan ng Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado.

Nakatakda naman sa Setyembre 3 ang arraignment ni Estrada sa Fifth Division. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here