Home NATIONWIDE Toll refund sa naipit sa NLEX, hirit sa Senado; Lapid ‘di nakadalo...

Toll refund sa naipit sa NLEX, hirit sa Senado; Lapid ‘di nakadalo sa impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines — Hinimok ni Sen. Joel Villanueva ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na ikonsidera ang pag-waive o pag-refund ng toll fees sa mga motoristang naipit nang ilang oras dahil sa matinding pagbaha sa San Simon, Pampanga.

Sa kanyang privilege speech sa Senado nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni Villanueva na may mga ulat na umabot sa 10 kilometro ang haba ng trapiko, habang ilang motorista umano ang na-stranded nang hanggang 22 oras.

Ayon kay Villanueva, kabilang sa mga naapektuhan si Sen. Lito Lapid na hindi nakadalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa matinding trapiko sa bahagi ng San Simon.

Ibinahagi rin ni Sen. Robin Padilla sa plenaryo na inabot siya ng pitong oras bago makalampas sa San Simon habang bumiyahe patungong Pangasinan.

Ani Padilla, umalis sila ng bahay dakong alas-4:30 ng madaling araw ngunit alas-11:30 na ng umaga nang makalabas sa San Simon.

“Pitong oras po… sa San Simon lang po ‘yon, hindi pa kami nakarating ng Pangasinan,” sinabi ni Padilla sa plenaryo.

Kinuwestiyon din ng senador ang pagbabayad ng toll fee sa kabila ng matinding abalang naranasan ng mga motorista.

Iginiit naman ni Villanueva na bukod sa posibleng refund, dapat tiyakin ng NLEX na may sapat na pagkain, tubig, portable toilets at medical assistance para sa mga ma-stranded na motorista, gayundin ang maagap na pagpapalabas ng traffic advisories.

Naapektuhan ng pagtaas ng tubig mula sa Pampanga River ang bahagi ng NLEX sa Tulaoc, San Simon, dahilan upang magkaroon ng matinding pagsisikip at diversion ng mga sasakyan.

Humingi na ng paumanhin ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) sa mga naapektuhang motorista at naglatag ng pansamantalang flood barriers at pumping operations sa lugar. Sinabi rin nitong plano nitong itaas ang pavement sa bahagi ng Tulaoc bilang pangmatagalang tugon sa paulit-ulit na pagbaha. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here