Home NATIONWIDE Lacson bill, pinabibigyan ng arrest, search powers Ombudsman 

Lacson bill, pinabibigyan ng arrest, search powers Ombudsman 

1
0

MANILA, Philippines — Naghain si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng panukalang batas na lilikha ng sariling law enforcement arm ng Office of the Ombudsman upang direktang makapagsagawa ng pag-aresto, pagdetine, paghahalughog at pagsamsam kaugnay ng mga kasong graft at corruption.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2394 na inihain noong Agosto 12, aamyendahan ang Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989 upang itatag ang Ombudsman Marshal Service.

Sinabi ni Lacson na layunin nitong bawasan ang pag-asa ng Ombudsman sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisilbi ng mga warrant at iba pang law enforcement operations.

Sa panukala, ang mga Ombudsman Marshal ay ituturing na peace officers at maaaring magsagawa ng arrests, detention, searches and seizures at iba pang imbestigasyon alinsunod sa batas.

Maaari rin silang magpatupad ng mga desisyon, resolusyon, kautusan at writ ng Ombudsman, gayundin ng mga proseso mula sa Sandiganbayan at iba pang anti-corruption courts o ahensya. Papayagan din silang magdala ng armas para sa kanilang proteksyon at seguridad ng mga testigo at taong nasa kustodiya habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Pamumunuan ang serbisyo ng isang Special Investigator na magkakaroon ng ranggo, sahod at benepisyong katumbas ng Deputy Ombudsman.

Ayon kay Lacson, nakita niya ang pangangailangan sa sariling enforcement arm habang hinaharap ng Ombudsman ang mga imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control, reclamation at iba pang infrastructure projects.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang senador kay Senate Committee on Justice and Human Rights chairperson Sen. Francis Pangilinan upang mapabilis ang pagtalakay sa panukala. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here