NAPAKAHALAGA para sa mga motorcycle rider ang kaalaman sa road safety kaya naman dumarami ang organisasyong nagsusulong ng adbokasiyang ito. Isa nga rito ang BMW Owners Society of Safe riders Inc., na promotor ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge o BIMC.
Ayon sa kanila, idinisenyo ito hindi para mangarera kundi magsilbing endurance at navigation challenge na nakabatay sa disiplina, pagsunod sa batas-trapiko, at responsableng pagmamaneho.
Maganda sana ang mga simulain ng samahan pero taliwas ang naging resulta nito sa katatapos na 2026 challenge habang binabaybay ng mga rider ang ilang probinsya at siyudad sa Mindanao. Trahedya ang kinalabasan imbes na endurance at na kasiyahan ang nangyari sa katatapos na event.
Aba teka muna, mayroon pa bang okasyon maliban sa BIMC na nagdulot ng kaparehong perwisyo sa mga mamamayan? Ah meron, ito yung sinasabi ni Bro Art Malemit na iligal na ‘drag race’ na pinalulusot ng ilang kabataan pero hindi ito katulad ng BIMC na organisado. Kumpleto kaya ang organizers sa kaukulang dokumento at permiso na may kinalaman sa safety and health ng players at komunidad?
Dahil sa masamang pangyayari, naglabas kamakailan ang Land Transportation Office ng Show Cause Order para sa BIMC organizers tungkol sa diumano’y sandamukal na traffic violation na nagresulta sa fatal accidents kabilang ang pagkasawi ng isang menor de edad.
Ito rin ang dahilan kung bakit agarang naglabas ng panukalang ordinansa si Councilor Atty. Rendon Sangalang ng Malaybalay City, Bukidnon upang mapigilan ang grupo sa pagsasagawa ng kaparehong event sa kanilang siyudad.
Hindi natin intensyon na sirain ang imahe ng BIMC o pigilan ang kanilang palaro pero kung patuloy na madaramay ang mga mamamayan ‘eh mas mainam na ikonsidera nila ang ating rekomendasyon na humanap na lang ng pribadong area para pagdausan ng napakadelikadong challenge.
Sabi ng isang BIMC rider, hindi raw sila makaaandar ng mas mabagal pa sa 60 kph sa dahilang hindi raw ito komportable para i-maintain ang stability ng kanilang pagmomotor. Pero lagi nating tatandaan, anoman ang minamaneho nating sasakyan, kailangang laging sundin ang LTO rules partikular ang speed limit lalo na kapag bumabaybay sa matataong lugar.
Bukas ang ating kolum upang makinig at maihayag ang opinyon at panig ng BIMC organizers.






