MANILA, Philippines- Nagwagi ang botong “yes” sa isinagawang plebisito para sa paglalagay ng territorial boundaries ng kabuuang 20 barangay sa Las Piñas nitong nakaraang Sabado, Hunyo 29.
Kaugnay nito ay pinasalamatan ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar ang mga residente ng lungsod sa pagboto ng “yes” na pumapabor sa paglalagay ng territorial boundaries ng 20 barangay sa lungsod.
Sinabi ni Aguilar na sa pagsasagawa ng plebisito ay nakakuha ang “yes” ng 41,493 boto habang ang botong “no” naman ay mayroon lamang 19,498.
Ayon pa kay Aguilar, naging tahimik, maayos, matagumpay at walang naiulat na hindi inaasahang pangyayari sa pagsasagawa ng plebisito sa lungsod dahil sa tulong at presensya ng lokal na kapulisan na pinangunahan ni police chief Col. Sandro Jay Tafalla.
Pinasalamatan din ni Aguilar ang buong lokal na kapulisan sa pagbabantay ng isinagawang plebisito na ginanap ng alas-7 ng umaga at tumagal hanggang alas-3 ng hapon.
Isinagawa ng mga miyembro ng board of canvassers ang canvassing of votes sa Disaster Risk and Reduction Management Office (DRRMO) building na matatagpuan sa Frinza Barangay Talon Dos, Las Piñas kung saan natapos ang kanilang pagbibilang ng ala-1 ng madaling araw.
Napag-alaman din kay Aguilar na ang City Ordinance No. 1941-23, Series of 2023, “delineates the territorial boundaries of the 20 barangays in the city in accordance with the Department of Environment and Natural Resources’ (DENR) cadastral survey that was completed in March 2015.”
Nakasaad sa naturang ordinansa na sa pagbubuo ng mga barangay noong taong 1978, “the territorial metes and bounds of the said barangays have not been properly identified such that there are barangays whose land areas are not contiguous and/or overlapping with another barangay.”
“Moreover, confusion in the territorial boundaries of the barangays is being encountered which could cause disputes, or be subject of disputes, especially since the cadastral mapping in 1980 for the barangays conflicted with the boundaries as set forth in the Presidential Decrees,” ayon pa sa ordinansa. James I. Catapusan