Home METRO ‘Boy Dila’, delivery rider nagharap

‘Boy Dila’, delivery rider nagharap

Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Francis Zamora

MANILA, Philippines- Personal na nagkita ang viral na si “Boy Dila” sa “Wattah Wattah” festival at ang delivery rider na binasa niya gamit ang water gun sa kapistahan sa San Juan City noong nakaraang buwan, kung saan humingi ng paumanhin ang una sa huli.

Sa isang social media post nitong Biyernes, sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na personal na humingi ng pamanhin si Lexter Castro sa rider sa San Juan City Hall nitong Huwebes at binigyan pa ito ng helmet at kapote.

Tinanggap naman ng rider ang paghingi ng dispensa ni Castro.

“Nawa’y magsilbing leksyon ito sa ating lahat na parati tayong dapat magbigay ng respeto sa kapwa at huwag tayong gumawa ng anumang bagay na maaaring makasakit sa ibang tao, pisikal man o emosyonal,” giit ni Zamora.

Noong Martes, naghayag ng public apology si Castro sa isang press conference kasama ang alkalde at sinabing nais niyang personal na humingi ng paumanhin sa rider.

Ani Mayor Zamora, hinikayat niya ang delivery rider na magtungo sa lungsod na ginawa naman ng huli nitong Huwebes.

Dahil sa pabatikos sa viral videos sa Wattah Wattah festival, lilimitahan ang tradisyunal na basaan sa mga partikular na lugar sa mga susunod na taon. RNT/SA