Home NATIONWIDE 2025 budget ng DepEd pinarerebyu ni Gatchalian

2025 budget ng DepEd pinarerebyu ni Gatchalian

MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Biyernes si incoming Department of Education secretary Sonny Angara na busisiin ang panukalang budget ng ahensya para sa 2025.

Inihanda ang panukalang budget ng DepEd para sa 2025 sa ilalim ng liderato ni Vice President Sara Duterte, na iiral ang resignation sa Hulyo 19. 

“I will recommend it to him, but I know it will be automatic, na i-review [ang proposed 2025 budget ng DepEd] para ang programa na gusto niyang palakasin ay maiayos,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate basic education committee, sa isang virtual press conference.

“Si Senator Sonny, he is a finance man, and I’m very, very sure na ia-analyze niya ang budget for 2025, and I’m very, very sure na iti-tweak niya ‘yan,” dagdag niya.

Ilang taong pinamunuan ni Angara ang Senate committee on finance, nangangasiwa sa pagbusisi sa pagpasa sa taunang national budgets.

Umapela rin ni Gatchalian kay Angara na silipin ang naiulat na butas sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE).

“Mag-re request din ako sa kanya na i-review itong programa at ilabas na ang guidelines dahil aminado naman ang DepEd na may leakage eh at aminado ‘yung DepEd na hindi napa-prioritize ang mahihirap. ‘Yun ang babaguhin nila sa kanilang guidelines,” giit ng senador.

Sa Senate hearing noong Marso, napag-alamang mayroong mahigit 19,000 “ghost students” o undocumented beneficiaries ng senior high school voucher program sa ilalim ng E-GASTPE program.

Isiniwalat din ni Gatchalian na halos P8 bilyong halaga ng educational assistance, umano’y para sa “underprivileged learners,” ang ginagastos taon-taon para sa “non-poor” students sa ilalim ng Educational Service Contracting (ESC) program, na saklaw ng E-GASTPE Law. RNT/SA