Home NATIONWIDE DOTr: Taas-singil nakaamba sa NAIA privatization

DOTr: Taas-singil nakaamba sa NAIA privatization

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes na inaasahang tataaas ang passenger terminal at airport fees sa isasapribadong Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa isang press conference sa San Juan City, nilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista na hinihintay pa ang pag-apruba ng Gabinete sa karagdagang passenger service charge, o terminal fee, at takeoff at landing fees, alinsunod sa Administrative Order 1.

“Terminal fee will be increased… that will be in 2025. Actually, what we are looking at is P950,” wika niya.

Sa kasalukuyan, pumapalo ang terminal fees sa NAIA sa P200 para sa domestic travelers at P550 para sa international travelers.

Ani Bautista, huling nadagdagan ang terminal fees 24 taon na ang nakalilipas.

“It is about time. We need to implement reforms and modernize the airport,” giit ng Transport chief.

Hinggil naman sa karagdagang landing at takeoff fees na sinisingil sa airlines, sinabi ni Bautista na maaari itong ipatupad bago matapos o sa pagtatapos ng taon.

“Landing and takeoff fees are not a major expense of airlines… it is not a big percentage of the cost of operations,” wika ng opisyal.

Anang Transportation secretary, kinakailangang itaas ang singil upang mabawi ang investments ng NAIA Infrastructure Corp., ang pribadong kompanya na nagkamit ng kontrata para sa NAIA operations at maintenance.

“With the investments that they will do, the efficiency of the airport will improve… from 32 million capacity it will go up 60 [million] to 62 million, and that could mean a more comfortable experience,” pahayag ni Bautista.

Nilagdaan ng DOTr noong nakaraang Marso ang P170.6-billion concession agreement sa NAIA Infra Corp.—dating tinatawag na SMC SAP & Co. Consortium—matapos mag-alok ang huli ng pinakamataas na share sa future revenues nito para sa pangangasiwa ng paliparan sa pamahalaan. RNT/SA