ILOCOS SUR- Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para tukuyin kung sino ang pumasok at tumangay sa safety vault sa loob ng finance office sa sorting facility ng RF Express Service Corporation (company branch ng J&T Delivery Express) sa Brgy. Poblacion, Quirino ng lalawigang ito.
Bandang 7:00 ng umaga kahapon, Oktubre 24, pumunta sa kanilang hub para mag-duty ang 27-anyos na Human Resource Representative ng RF Express Service Corporation.
Gayunman, pagpasok niya ay napansin niyang nakabukas ang pintuan ng finance office.
Nang tingnan niya ang loob ng opisina ay nadiskubre niyang nawawala ang kulay gray na safety vault na may markings na SAFEWELL na may kargang P111,594.
Matapos nilang madiskubre na napasok ng magnanakaw ang kanilang hub, inireport nila ito sa Quirino Municipal Police Station.
Agad namang nagresponde ang mga personnel ng Quirino MPS at mabilis na nagsagawa ng onsite investigation.
Hinihinalang nakapasok sa loob ang magnanakaw o mga magnanakaw matapos nilang sirain ang window grills at piliting buksan ang sliding window sa likurang bahagi ng sorting facility. Rolando S. Gamoso