MANILA, Philippines- Sa gitna ng bagong regulasyon ng China na nagbibigay ng kapangyarihan sa coast guard nito na iditene ang mga dayuhang maaakusahan ng panghihimasok sa West Philippine Sea, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga Pilipino na patuloy na mangisda sa lugar.
Sinabi ni Brawner na poprotektahan ng militar, katuwang ang maritime law enforcement agencies, ang mga mangingisdang Pilipino sa pagpapairal ng Beijing ng anti-trespassing policy nito ngayong Sabado, Hunyo 15.
Nanindigan ang AFP chief na may karapatan ang mga Pilipinong mangisda sa katubigan na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Kasama natin dito ang PCG, PNP, BFAR and other agencies that are concerned. Kasama rin natin dito hindi lang ang uniformed personnel… and especially ang mga mangingisda natin. Sila ang apektado. Tayong lahat ay apektado by this, so we really have to work together. Dapat isang bansa tayo na nag-aaddress ng ganitong problema,” giit ni Brawner nitong Biyernes.
“Ganun ang mensahe natin sa ating mga mangingisda. Sinabi namin sa kanila for them not to be afraid, but to just go ahead with their normal activities na mangisda sa ating EEZ. Atin itong EEZ. We have the right to exploit the resources in the area,” dagdag ng opisyal.
“Dapat hindi matakot ang ating mga mangingisda. Nandiyan po ang inyong AFP, ang ating Philippine Navy, pati na ang PCG. Marami tayong pinag-uusapan ngayon na mga hakbangin na gagawin in order for us to protect our fishermen,” aniya pa.
Sa ilalim ng kontrobersyal na regulasyon ng China, ang mga dayuhang maaakusahan ng ilegal na pagpasok sa “Chinese waters” ay maaaring iditene hanggang 60 araw nang walang paglilitis. RNT/SA