Home NATIONWIDE Brodkaster sa Albay, pinatay; mga suspek natunton sa Camalig – PNP

Brodkaster sa Albay, pinatay; mga suspek natunton sa Camalig – PNP

3
0

MANILA, Philippines – TINUTUGIS ng pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Adrian “Golden Boy” Loterte matapos matunton ang kanilang huling galaw sa Camalig, Albay.

Ayon kay Police Regional Office 5 (PRO-5) Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio nitong Martes, Oktubre 13, patuloy ang pagsusuri sa mga CCTV footage upang matukoy ang dinaanang ruta at posibleng pinuntahan ng mga suspek matapos ang pamamaril.

Binaril si Loterte, isang broadcaster ng RBN News Television, habang nasa kanyang panaderya sa Barangay San Roque, Daraga, Albay bandang alas-4:10 ng hapon noong Lunes, Oktubre 12.

Isinugod pa ang biktima sa ospital ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong tama ng bala. Tumakas naman ang dalawang salarin sakay ng motorsiklo.

Kabilang sa mga anggulong sinisiyasat ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na may kaugnayan sa trabaho, personal na buhay o negosyo ng biktima ang pagpatay.

Ayon kay PNP Public Information Office acting chief Col. Allan Rae Co, hindi isinasantabi ng mga imbestigador ang posibilidad na may mga taong naapektuhan ng mga komentaryo ni Loterte bilang broadcaster.

Sinabi naman ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na kabilang sa mga isyung tinatalakay ng biktima ang mga alegasyon ng ilegal na quarrying at transportasyon ng mga materyales sa Albay.

Gayunman, wala pang opisyal na konklusyon kung may direktang kaugnayan ang mga komentaryong ito sa pagpatay.

Bumuo na ang PRO-5 ng Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang kaso, habang iniutos ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing pangangalap ng ebidensya at pagtukoy sa mga responsable sa krimen.

Samantala, kinondena ng National Press Club at iba pang organisasyon ng mamamahayag ang pagpatay kay Loterte at nanawagan ng mabilis at patas na imbestigasyon.

Ayon kay NPC President Mina Navarro, nangyari ang pamamaril matapos batikusin ni Loterte ang umano’y paglaganap ng ilegal na online gambling sa Camalig, Albay.

Nanawagan din ang PTFOMS sa mga may impormasyon tungkol sa insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here