Home NATIONWIDE BRP Sierra Madre isemento sa Ayungin Shoal – Bato

BRP Sierra Madre isemento sa Ayungin Shoal – Bato

MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa nitong Biyernes ang pag-semento sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa gitna ng hirit ng China na tanggalin ito sa lokasyon.

“Kailangan hindi basta-bastang hilahin lang ‘yan ng China. Hindi pupwedeng tanggalin nila ‘yan diyan. Kung pwedeng ikwan natin, i-semento ‘yung ilalim ng barko para ma-fix na ‘yan siya doon, mas maganda,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam.

Inihayag ito ng senador sa gitna ng panawagang isaayos ang BRP Sierra Madre matapos iligal na gumamit ng China Coast Guard (CCG) ngwater cannons laban sa Philippine vessels sa resupply mission sa Ayungin Shoal. 

“Refurbish o ayusin o whatever, basta just to alleviate the living condition of the Marines living inside that ship and to concretize our claim over that Ayungin Shoal,” patuloy niya.

Sinabi rin ni Dela Rosa na pabor siyang ilaan ang confidential at intelligence funds sa pagsasaayos ng BRP Sierra Madre.

“Yes, yes. In terms of prioritization, para sa akin, there’s no other priority na mas higher pa than defense. Kailangan talaga natin ‘yan dahil number one sa akin, number one priority ang defense,” paliwanag ni Dela Rosa.

Nagpadala na ang Pilipinas ng note verbale sa China ukol sa insidente kamakailan na naganap sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Subalit, kinontra ito ng China at sinabing pumasok ang Philippine boats sa teritoryo nito.

Nitong Martes, inihirit ng Beijing na alisin ang BRP Sierra Madre, base sa umano’y pangako mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang nalalamang ganitong kasunduan.

“I’m not aware of any such arrangement or agreement that the Philippines will remove from its own territory its ship, in this case, the BRP Sierra Madre from the Ayungin Shoal…. And let me go further, if there does exist such an agreement, I rescind that agreement now,” ani Marcos.

Matatagpuan ang Ayungin 105.77 nautical miles mula sa Palawan at bahagi ng EEZ ng Pilipinas. RNT/SA