Home NATIONWIDE BuCor bineberipika pa records bago palayain sina Cedric Lee, Deniece Cornejo

BuCor bineberipika pa records bago palayain sina Cedric Lee, Deniece Cornejo

2
0

MANILA, Philippines — Bineberipika pa ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga court record nina Cedric Lee at Deniece Cornejo bago ipatupad ang kanilang pagpapalaya, sa kabila ng kautusan ng Court of Appeals (CA) na agad silang palayain.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., humihingi ang ahensya ng kopya ng entry of judgment mula sa CA kaugnay ng kautusan nitong Setyembre 25.

Humihingi rin ang BuCor ng certificate of no pending case mula sa Taguig Regional Trial Court upang makumpleto ang mga dokumentong kailangan sa pagtukoy sa release status nina Lee at Cornejo.

Lumabas sa pagsusuri ng BuCor na nagsisilbi rin ang dalawa ng sentensiya sa hiwalay na grave coercion case sa Taguig RTC Branch 266.

Nauna nang binago ng Court of Appeals ang kanilang conviction sa kasong isinampa ng aktor na si Vhong Navarro, mula serious illegal detention for ransom patungong grave coercion.

Sa naturang kaso, hinatulan sila ng anim na buwan bilang minimum hanggang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw bilang maximum.

Ayon sa BuCor, kailangang pagsunod-sunurin ang pagsisilbi ng kanilang sentensiya sa dalawang kaso, kaya umaabot sa apat na taon at 21 araw hanggang pitong taon at 21 araw ang pinagsamang sentensiya.

“The Bureau is reviewing the records and sentence computations to ensure that any release is carried out in accordance with the appellate court’s order and applicable rules on sentence administration,” saad ng BuCor.

Nasa kustodiya ng BuCor si Lee mula Mayo 3, 2024, habang isang araw na mas maaga namang naipasok si Cornejo.

Hanggang Setyembre 26, mayroon nang 460 araw na Good Conduct Time Allowance (GCTA) si Lee, habang si Cornejo naman ay may 440 araw na GCTA at 75 araw na Time Allowance for Study, Teaching and Mentoring.

Batay sa kasalukuyang computation ng BuCor, Pebrero 18, 2027 ang minimum sentence date ni Lee, habang Disyembre 23, 2026 naman kay Cornejo.

Iginiit ng BuCor na kailangan munang makuha at ma-verify ang mga kinakailangang dokumento mula sa korte bago tuluyang ma-finalize ang kanilang pagpapalaya. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here