Home NATIONWIDE BuCor bubuo ng board para matukoy kung pasok sa GCTA si Veloso

BuCor bubuo ng board para matukoy kung pasok sa GCTA si Veloso

MANILA, Philippines- Bubuo ng lupon ang Bureau of Corrections upsng pag-aralan kung karapat-dapat si Mary Jane Veloso para sa pribilehiyo na Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang na aalamin nila ang rekord ni Veloso na naiturn-over sa kanila ng Indonesian authorities.

Aalamin din ng naturang board kung ang halos 15 taong pagkakulong ni Veloso sa Indonesia ay maaring i-credit sa GCTA.

Sa sandaling naisilbi na ni Veloso ang minimum na sentensya ay maaaring irekomenda ng BuCor na mabigyan ng parole si Veloso.

Una nang inihayag ni Justice undersecretary Raul Vasquez na sa paglipat ng kustodiya kay Veloso sa Pilipinas ay sasailalim na siya sa batas, regulasyon at proseso ng Philippine government.

Ipinunto rin ng DOJ official ang ipinalabas na Supreme Court ruling na maaaring bigyan ng GCTA benefit ang mga PDL na nahatulan ng karumal-dumal na krimen.

Batay sa batas, ang GCTA ay isang pribilehiyo na iginagawad sa isang PDL para mabawasan ang sentensya bilang gantimpala aa ipinapakitang magandang asal sa loob ng kulungan. Teresa Tavares