Home NATIONWIDE Buhay ng batang may sakit sa puso, nailigtas ng Malasakit Center

Buhay ng batang may sakit sa puso, nailigtas ng Malasakit Center

Ang epekto ng inisyatibang Malasakit Center ni Senator Christopher “Bong” Go ay malalim na nararamdaman ng mga mahihirap na nahaharap sa medikal na hamon.

Ibinahagi ni Roselyn Vente, isang 33-anyos na ina mula sa Tagbilaran City, ang kanyang emosyonal na pagsubok habang ipinaglalaban ang buhay ng anak.

Ang kanyang 2-anyos na si Margaret Vente ay na-diagnose na may ventricular septal defect, isang malubhang kondisyon sa puso.

“Sobrang hirap po bilang ina po, mga pangangailangan po ng mga anak namin, hindi po maibigay kasi sa daming gastusin,” ani Roselyn.

Ngunit para kay Roselyn, napakalaki ng naisuporta sa kanyang anak ng programang Malasakit Centers. Isang brainchild ni Sen. Go, pinagsasama-sama ng programang ito ang mga ahensiya ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office upang matulungan ang mga mahihirap na pasyente sa kanilang mga gastos sa ospital, kundi man libre ay sa pinakamaliit na posibleng halaga.

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sumailalim si Baby Margaret sa isang life-saving operations sa Philippine Heart Center sa Quezon City, na naging posible sa tulong na ibinigay ng Malasakit Center.

Inendorso ni Bohol Vice Governor Dionisio Balite, tiniyak na natanggap nina Roselyn at Baby Margaret ang mga suportang kinailangan para sa operasyon ng bata.

“Malaking pasasalamat ko po kay Senator Bong Go dahil po sa Malasakit Center. Siguro kung wala po ‘yung Malasakit Center, hindi namin alam paano na mangyayari kasi sobrang laki po talaga ‘yung kailangan para gamutin si baby,” ani Roselyn.

“Ngayong na-operahan na po ‘yung baby ko po, na successful operation po, tuwang-tuwa po ako. Hindi ko ma-explain ‘yung saya ko po. Kumbaga, kasi ‘yung hindi pa siya naooperahan, araw-araw hindi ako nakakatulog. Senator Bong Go, maraming, maraming salamat po,” idinagdag niya.

Si Emmanuel, ama ni Margaret, ay nagpasalamat din sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga pinuno ng komunidad para sa suporta na kanilang natanggap.

Ang kwento ni Roselyn ay hindi na kakaiba dahil maraming pamilya sa buong Pilipinas ang nahaharap sa mga katulad na hamon, pakikipaglaban sa sakit at mga hadlang sa pananalapi.

Kaya naman ang programang Malasakit Centers ay naging isang mahalagang resources para sa mga pamilyang ito.

Sa ngayon ay 159 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa na handang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente.

Iniulat ng DOH na nakapagbigay na ng tulong ang Malasakit Centers program sa humigit-kumulang sampung milyong Pilipino.

Sinabi ni Go na ang kanyang pananaw para sa Malasakit Centers ay higit pa sa pagbibigay ng tulong pinansyal. Hinahangad din niyang pagyamanin ang pakiramdam ng komunidad at pagkakaisa sa panahon ng krisis.

“Lapitan n’yo lang po ang Malasakit Center. Para po ‘yan sa Pilipino,” ayon sa senador. RNT