HINIKAYAT ng National Parents-Teachers Association (PTA) Philippines ang Commission on Higher Education (CHED) na ipagpatuloy ang senior high school programs nito sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) ng isa pang taon.
Sa isang panayam, sinabi ni PTA national president Willy Rodriguez na mabibigyan nito ng mas maraming oras ang mga public schools, guro, magulang at Department of Education (DepEd) na makapaghanda para sa pagbabago.
“Sa ngayon po hindi pa handa ang ating mga magulang sa usaping yan. Kasi nga po madaming estudyante eng maaapektuhan,” ayon kay Rodriguez.
“Talagang hindi pa po handa ang ating DepEd sa ating mga public schools,” dagdag na pahayag nito.
Kamakailan ay muling inulit ng CHED ang desisyon nito na itigil na ang SHS program sa SUCs at LUCs.
Sa isang memorandum na may petsang Disyembre 18, sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera III na ang pagkakaugnay ng SUCs at LUCs sa basic education sa pamamagitan ng SHS ay dapat lamang na maging limitado sa K-12 transition period mula School Year (SY) 2016-2017 hanggang SY 2020-2021.
Ani Rodriguez, magkakaroon ito ng malaking epekto sa mga estudyante at magulang dahil sa karagdagang gastusin.
“Talagang mahihirapan ang mga galing SUC… Kulang ang mga teacher at rooms sa public schools. Another pahirap ito sa mga magulang kasi nga additional expenses,” ayon kay Rodriguez.
Ang paliwanag naman ni De Vera, pinaalalahanan ng CHED ang SUCs at LUCs sa nakalipas na dalawang taon na maghinay-hinay sa SHS enrollment dahil wala na ito ng legal na basehan para ipagpatuloy ang pagtanggap ng high school students.
“the law states that public universities should serve as higher education institutions and should only offer degree programs in higher education,” aniya pa rin.
Tinukoy pa rin nito na ang nakasaad sa batas na ang public universities ay dapat na magsilbi bilang higher education institutions at dapat na mag-alok ng degree programs sa higher education.
Samantala, sinabi ng DepEd na ang mga apektadong SHS students ay maaaring mag-transfer sa public schools na nag-aalok ng basic education.
Sinabi pa nito na ang mga displaced learners ay puwedeng mag-enroll sa private schools sa next school year at makakuha ng voucher program. Kris Jose