Home NATIONWIDE Motibo ng DOJ sa ibinanderang Marcos briefing sa ICC options, kinwestiyon

Motibo ng DOJ sa ibinanderang Marcos briefing sa ICC options, kinwestiyon

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senador Chiz Escudero ang nakapaloob ng motibo ng Department of Justice (DOJ) sa pagbabandera ng briefing sa Pangulo hinggil sa gagawin sakaling matuloy ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) sa dating Pangulong Duterte.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na hindi nakatutulong ang pahayag ng Department of Justice (DOJ) spokesman sa drug war probe ng ICC sa pagpapaluwag ng tensiyon sa pagitan ng pamilya Marcos at Duterte.

Naunang inihayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano sa press conference nitong Miyerkues na inihahanda ng ahensiya ang briefing kay President Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa warrant of arrest ng ICC.

Aniya, bahagi ng tungkulin at trabaho ng DOJ ang paghahanda ng briefing sa Pangulo sa isyu ngunit, kakaiba ang “malalasap” kapag ibinandila pa ito.

“What I don’t understand is why a presscon had to be called to announce something that is in the ‘normal course of things’ or as it should be,” ayon kay Escudero.

“Surely, such actions are not helping cool down or mend tensions between the Dutertes and the Marcoses,” aniya.

Nagbigay ng pahayag ang DOJ matapos ibulgar ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na malapit nang magpalabas ng arrest warrant laban kay Duterte. Ibinulgar din niya na may namumuong kudeta sa hanay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Inihayag din ni Trillanes na nakikipag-ugnayan ang ICC sa ilang aktibo at dating opisyal ng pulisya.

Naunang tiniyak ng Palasyo na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC at hindi nito kinilala ang jurisdiction ng ICC. Sa ilalim ng Rome Statute na lumikha sa ICC, may hurisdiksiyon ang korte sa lahat ng pangyayaring krimen sa Pilipinas bilang miyembro. Ernie Reyes