Home OPINION IKALAWANG MINDANAO TOURISM SA CAGAYAN DE ORO ITINAMPOK

IKALAWANG MINDANAO TOURISM SA CAGAYAN DE ORO ITINAMPOK

PAGSUSUMIKAPAN ng DOT o Department of Tourism na makapag-anyaya ng international guests at maging local tou­rists sa Mindanao kasabay sa pagbibida ng magandang “peace and security situation” ng rehiyon matapos ang matagumpay na negosasyon ng pamahalaan at ng MNLF o Moro National Li­beration Front.

Ito ang binigyang-diin ni Secretary Maria Christina Garcia Frasco sa pagbubukas ng second Mindanao Tourism Expo sa Cagayan de Oro City.

Itinampok ang mga pangunahing tourist spots, produkto, pasalubong, at discounted tour packages ng Zamboanga pe­ninsula, Northern Mindanao, Davao region, SOCCSKSARGEN, CARAGA, at Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.

Isa nga sa naging pagkilos ng pamahalaan ay ang pagkakaroon ng joint agreement sa pagitan ng DOT, ng DND o Department of National Defense, at ng DILG o Department of the In­terior and Local Government para sa pagsusulong ng turismo na nakabase sa kapayapaan at kaayusan.

Inaanyayahan din ng pamahalaan ang mga foreign dignita­ries lalo na iyong mga naglalabas ng travel advisories sa kani­lang mga mamamayan na bumisita sa rehiyon at ng makita nila mismo ang pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan lalong-lalo na sa BARMM.

Sinang-ayunan ito ni Cagayan de Oro City Mayor Rolando Uy na nagsabing ang nagkakaisang hangarin ng lahat ng local government units ng Mindanao na “to feel safe while enjoying the destinations”.

Sa katunayan nga, ang mainit na pagmamahal ng mga Pi­lipino sa mga bisita na ating ipinapakita sa pamamagitan ng maayos na pagtanggap ay ang numero unong binabalikang karanasan sa ating bansa.

Sa datos mula sa DOT, nasa 7.1 million tourists ang bumisita sa Mindanao. Sa bilang na ito, nasa tatlong milyon ang nagtu­ngo sa region X o ang Northern Mindanao na binubuong Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Orien­tal, Iligan City at Cagayan de Oro City.

Misyon ng DOT at ng lahat ng local tourism offices na maipamalita sa buong Pilipinas at sa buong mundo na ang “Minda­nao is a treasure of natural wonders”.