Home NATIONWIDE Buhay ng libo-libong may kidney problem pahahabain ng pamahalaan

Buhay ng libo-libong may kidney problem pahahabain ng pamahalaan

MANILA, Philippines – Malaki ang magagawa ng gobyerno upang mapahaba ang buhay ng libu-libong Pilipino na mayroong sakit sa bato at sumasailalim sa dialysis, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa groundbreaking ceremony ng pinakamalaking hemodialysis center sa bansa na itatayo sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

“Today, we are not just building an edifice. We are laying the foundation for hope, modern healthcare, and better quality of life for millions of Filipinos suffering from kidney ailments,” ani Romualdez.

“Malaki ang magiging epekto ng proyektong ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Hindi na nila kailangang bumiyahe ng malayo o kaya’y maghanap ng malaking halaga para lang makapagpagamot. Dito, sila’y magkakaroon ng access sa modernong pasilidad at de-kalidad na serbisyo para maibsan ang kanilang karamdaman,” dagdag pa ng solon.

Ang sakit sa bato ang isa sa pangunahing sakit na kumikitil sa buhay ng mga Pilipino. Nasa isang milyong Pilipino ang pinaniniwalaan na mayroong ganitong sakit.

Kailangan ng mga ito na sumailalim sa dialysis hanggang sa makahanap ng donor para sa kidney transplant.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang 13-palapag na NKTI Hemodialysis Center ay bahagi ng Legacy Specialty Hospital Project ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang NKTI ay isa sa mga specialty hospital na itinayo noong unang Marcos administration sa inisyatiba ni First Lady Imelda Romualdez Marcos, kasama ang Heart Center, Children’s Medical Center at Lung Center.

“Sinimulan po ito ng kanyang butihing ina…noong ‘70s at ngayo’y ipinagpapatuloy ng ating Pangulo para sa milyun-milyong Pilipino,” sabi nito.

“Ang Hemodialysis Legacy Building na ito ay patunay na patuloy ang misyon ni Pangulong Marcos, Jr. na bigyan ng de-kalidad na serbisyo ang bawat Pilipino sa larangan ng kalusugan at medisina. Maraming, maraming salamat po Mr. President!” dagdag ng lider ng Kamara.

Sinabi ng lider ng Kamara na ang hemodialysis facility ay magsisilbi ring training facility para sa mga health professional.

“This will be the biggest Hemodialysis facility in the Philippines! Once completed, this facility will house 200 dialysis machines. Sa kasalukuyan, ang Lungsod na Maynila ang may pinakamarami – meron silang 100 machines. Dodoblehin natin ‘yan ito dito sa NKTI!.” giit pa ni Romualdez.

Bukod sa Legacy Specialty Hospitals, sinabi ni Speaker Romualdez na inilunsad din ni Pangulong Marcos ang Legacy Food Security na naglalayong tulungan ang mga magsasaka na dumami ang kanilang ani at lumaki ang kanilang kita, at mapababa ang presyo ng pagkain sa bansa, at Legacy Housing, para matulungang magkaroon ng sariling bahay ang mga mahihirap na pamilya.

“Makakaasa kayo na buung-buo ang suporta namin sa House of Representatives sa three major pillars na ito – ang Legacy Specialty Hospitals, Legacy Food Security at Legacy Housing ng Pangulo. Titiyakin naming na may sapat na pondo ang mga proyektong ito,” pagtatapos pa ni Romualdez. Gail Mendoza