Home OPINION BULABOG ANG BAHAY-UTAK

BULABOG ANG BAHAY-UTAK

281
0

SNAP ELECTIONS! Ito ang naging panukala ni Senador Allan Peter Cayetano upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.

Nitong mga nakalipas na mga araw ay tila lumamig ang isyu ng anomalya sa flood control projects dahil na rin marahil sa pagkahinto ng pagdinig sa Kongreso at Senado habang lihim naman sa taumbayan ang galawan ng Independent Commission for Infrastructure.

Subalit ang totoo ay nariyan pa rin ang sigaw na bigyan ng hustisya ang kaban ng bayan na dinambong ng mga kontratistang mandarambong at mga opisyal ng gobyerno kabilang na ang mga halal ng taumbayan na isinangkot sa malawakang pandarambong.

Hindi naman makali ang abogado sa pagsasabing bawal sa ating Saligang Batas ang naturang pahayag ng Senador habang ganoon din ang naging punto ng iba pang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang Commission on Elections.

Pero minsan ay may nagsabi na puwedeng baliin o baluktutin ang batas upang masunod lamang ang kagustuhan ng taumbayan dahil mas mataas ang taumbayan kaysa sa batas. Baka [naman] sa pagkakataon na ito ay puwede nila suportahan ang panukalang Snap Elections.

Marami ang nagbigay ng opinyon na salungat sa panukala ni Cayetano samantalang alam naman ng taumbayan na ang Senador na ito ay abogado kaya nasisiguro nito na mayroon paraan upang matuloy ang Snap Elections na hindi binabaluktot ang batas o Saligang Batas.

Malinaw na maraming Pinoy ang dismayado sa isyu ng pandarambong at desperado kaya naiisip na gumawa ng mga bagay o maghayag ng mga panukala upang ubusin ang mga mandarambong sa gobyerno kahit alam nila na labag ito sa Saligang Batas.

Ang tanong lang ay kung may tutugon ba sa panukalang ito. Ang kondisiyon ay matapos magbitiw sa kani-kaniyang trono mula Malakanyang hanggang sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ay hindi sila lalahok sa Snap Elections.

Tutugon na sana sa hamon lalo yung mga taong gusto nang tapusin ang administrasyong Marcos Jr. kaya lang atras din ang mga ito dahil hindi sila pwedeng lumahok sa Snap Elections batay sa kondisiyon na inilatag ng Senador.

Wala rin tiyak papayag sa hanay ng mga Mambabatas dahil sa kondisiyon na ito. Sa tunay, ang pahayag na ito ni Cayetano ay maituturing na pambulabog lamang ng bahay-utak para sa mga mandarambong. Pinatulan naman ng mga nagmamagaling tssk! Tsssk! Tssk!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here