Home METRO Bulacan dinelubyo ni Egay, Falcon isinailalim sa state of calamity

Bulacan dinelubyo ni Egay, Falcon isinailalim sa state of calamity

MANILA, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bulacan matapos makaranas ng matinding pagbaha ang karamihan sa mga munisipalidad nito dala ng pag-ulan ng Super Typhoon Egay, inihayag ng mga lokal na opisyal nitong Martes.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), mahigit 228,000 pamilya mula sa 17 barangay na apektado ng bagyo sa Bulacan.

Sinabi rin ng mga lokal na opisyal na 16 na bayan at tatlong lungsod ang naapektuhan ng matinding baha. Nakatala rin ang PDRRMC ng dalawang pagkamatay sa pananalasa ni Egay.

Binanggit din ng Resolution 579, na nilagdaan ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, na ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura dahil sa matinding pagbaha sa lalawigan ay nasa ₱93,023,705 at ₱500,000,000, ayon sa pagkakabanggit. RNT