MANILA, Philippines – Swak na swak sa panlasa ang mga lutong Pinoy partikular ang Bulalo at Sinigang na Baboy na nakapasok sa Top 20 ng TasteAtlas’ 100 best meat soups sa buong mundo.
Niranggong ika-17 puwesto, ang Bulalo ay inilalarawan ng food platform bilang “isang tradisyonal na sopas ng Filipino na inihanda sa pamamagitan ng pagluluto ng mga beef shanks at marrow bones hanggang ang taba at collagen ay matunaw sa sabaw, na nagreresulta sa isang masarap na lasa.”
Samantala, nakuha naman ang ika-18 ranggo ng Sinigang na Baboy na may grade na 4.4 stars.
Nanguna sa listahan ang Rawon ng Indonesia, habang ang isa pang Indonesian na sopas, ang Soto Betawi, ang nakakuha ng 2nd spot. Ang pagkain ng almusal ng Türkiye, ang Beyran corbasi, ay nasa ika-3 puwesto.
Pasok sa Top 5 ang Tonkotsu Ramen ng Japan (ika-4) at Miso Ramen (ika-5).
Nauna rito, nanguna ang Palabok sa listahan ng pinakamahusay na Filipino noodle dishes ng TasteAtlas, habang ang Chicken Inasal ang nanguna sa listahan ng pinakamahusay na pagkaing Filipino.
Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang TasteAtlas ay isang internasyonal na publikasyon na regular na ginagalugad ang mundo sa pamamagitan ng lokal na pagkain. RNT