NAGDULOT ng pangamba sa hanay ng overseas Filipino workers ang lumabas na isyu ng umano’y anomalya sa loob ng Overseas Workers Welfare Administration na kinasasangkutan ng dating administrador na si Arnell Ignacio.
Maraming OFW ang nag-aalala na maaaring maapektuhan ang kanilang benepisyo at pondo sa gitna ng kontrobersiya, lalo’t ang ahensya ang pangunahing sandigan ng tulong at proteksiyon para sa mahigit 2.6 milyong miyembro nito.
Pinalitan si Ignacio ni Atty. Patricia Yvonne Cunanan upang tiyakin ang tuloy-tuloy na operasyon at maibalik ang tiwala sa pamamahala ng pondo. Gayunman, iginiit ng ilang OFW at stakeholder na mahalagang malinawan ang publiko sa detalye ng transaksyon na sinasabing may kinalaman sa ₱1.4-bilyong pagbili ng lupa malapit sa NAIA Terminal 1 para sa planong halfway house o dormitoryo ng mga OFW.
Ayon sa ulat, isinagawa ang Deed of Absolute Sale noong Setyembre 2024 kahit umano’y wala pang apruba ng OWWA Board of Trustees na isang ‘requirement’ sa ilalim ng umiiral na batas para sa malalaking transaksyon ng ahensya.
Dahil dito, agad na kumilos si Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers, na nagpasya na alisin sa pwesto si Ignacio at ang ilan pang opisyal na may kaugnayan sa isyu. Ang pag-alis ay hindi simpleng pagbibitiw kundi pagtanggal sa posisyon dahil sa umano’y paglabag sa tamang proseso.
Nagsagawa na rin ng masusing imbestigasyon ang DMW, kabilang ang pagsusuri sa mga dokumento at panayam sa mga tauhan ng ahensya upang matukoy kung may nalabag na batas. Naghain din ng plunder at graft complaints laban sa mga sangkot sa Office of the Ombudsman.
Habang nagpapatuloy ang ligal na aksyon, hindi maiwasan ang pangamba ng mga OFW. Ipinapahayag nila ang pangangailangang masiguro na ligtas at maayos ang pondong nakalaan para sa kanilang kapakanan at benepisyo. May ilan ding nagrereklamo sa mabagal na pagproseso ng tulong at sa dami ng ‘requirement’ at paulit-ulit na proseso bago makuha ang kanilang benepisyo, bagay na lalong nagpapabigat sa kanilang kalagayan.
Nanawagan ang mga OFW ng mas mataas na transparency at accountability sa pamamahala ng pondo. Para sa kanila, ang mabilis at malinaw na aksyon ng pamahalaan ay mahalaga upang maibalik ang tiwala sa ahensyang inaasahang magtatanggol sa kanilang kapakanan sa loob at labas ng bansa.






