Home METRO Bulkang Kanlaon, muling nagbuga ng abo; Alert Level 2 nananatili

Bulkang Kanlaon, muling nagbuga ng abo; Alert Level 2 nananatili

2
0

MANILA, Philippines – Muling nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island ngayong Lunes ng umaga, Nobyembre 16, habang nananatili itong nasa Alert Level 2, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, naitala ang pagbuga ng abo mula alas-6:35 hanggang alas-7:55 ng umaga, na nakunan ng IP camera ng Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City.

Umabot sa 350 metro ang taas ng kulay-abong ash plume mula sa bunganga ng bulkan bago ito tangayin ng hangin patungong timog-kanluran.

Sa in-update na 24-hour bulletin ng PHIVOLCS nitong Nobyembre 16, apat na ash emission events ang naitala sa naunang araw, na tumagal ng 11 hanggang 71 minuto.

Nakapagtala rin ng walong volcanic earthquakes at 3,443 toneladang sulfur dioxide emissions noong Nobyembre 15.

Umabot naman sa 1,000 metro ang taas ng naitalang volcanic plume sa nasabing monitoring period.

Sa ilalim ng Alert Level 2, posible pa rin ang biglaang steam-driven o phreatic eruptions at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa paggalaw ng magma.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa four-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at paglipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.

Patuloy ang pagbabantay ng PHIVOLCS sa aktibidad ng Kanlaon upang matukoy ang anumang pagbabago sa kondisyon nito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here