MANILA, Philippines – Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na ipagpapatuloy nito ang mahigpit na seguridad sa 49th ASEAN Summit sa kabila ng mga kilos-protesta at alegasyon ng labis na paggamit ng puwersa ng mga pulis.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., paulit-ulit nang pinaalalahanan ang mga demonstrador na magsagawa ng mapayapang protesta sa mga angkop na lugar upang hindi maapektuhan ang seguridad ng mga delegado at bisita.
Sa pahayag nitong Lunes, Nobyembre 16, sinabi ni Nartatez na may ilang demonstrador umanong nagtangkang makalusot sa police barricades upang makapagsagawa ng protesta malapit sa mga lugar ng ASEAN Summit.
Iginiit ng opisyal na patuloy na paiiralin ng mga pulis ang maximum tolerance at defensive posture, ngunit hindi nila papayagan ang anumang pagkilos na maaaring maglagay sa panganib sa mga kalahok sa summit.
Inatasan din niya ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang police units na panatilihin ang seguridad at propesyonalismo sa pagharap sa mga susunod pang demonstrasyon.
Kasunod ito ng pag-aresto sa mahigit 200 demonstrador sa Sucat noong Linggo, Nobyembre 15, habang nagsasagawa ng protesta kaugnay ng ASEAN Summit.
Kinondena naman ng mga progresibong grupo ang mga pag-aresto at ang umano’y marahas na pagdispersa sa mga demonstrador.
May mga abogado ring nagreklamo tungkol sa umano’y pagkaantala ng pagbibigay ng legal assistance at medikal na atensyon sa ilang inaresto.
Samantala, ipinagtanggol ni Nartatez ang mga pulis na aniya ay gumaganap lamang sa kanilang tungkulin sa gitna ng mahirap na sitwasyon.
Tiniyak din niyang pananagutin ang sinumang pulis na mapatutunayang lumabag sa mga pamantayan ng PNP habang nagpapatupad ng seguridad.
Nauna nang sinabi ng PNP na kinikilala nito ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon, ngunit kailangang sundin ang mga umiiral na batas at regulasyon. Santi Celario