MANILA, Philippines – Nakapagtala na naman ng dalawang phreatic eruptions ang Bulkang Taal nitong Lunes, Oktubre 7, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes, Oktubre 8.
Sa bulletin, sinabi ng PHIVOLCS na tumagal ng isa hanggang apat na minute ang phreatic eruptions.
Ang phreatic eruptions ay steam-driven explosions na nangyayari kapag ang tubig sa ilalim ng lupa ay nainitan ng magma, lava, mainit na bato o bagong volcanic deposits.
Naitala naman ang moderate emission ng plumes na umabot ng 900 metro ang taas mula sa bulkan.
Nagkaroon din ng walong volcanic earthquakes na tumagal ng hanggang dalawang minuto.
Bukod dito, nagbuga rin ang Bulkang Taal ng 2,068 tons ng sulfur dioxide gas noong Sabado, at nakita rin ang upwelling ng hot volcanic fluids sa Main Crater Lake nito.
Nananatili sa Alert Level 1 ang babala sa Bulkang Taal. RNT/JGC