Manila, Philippines – Inalmahan ni Bulusan, Sorsogon Mayor Wennie Rafallo-Romano ang paratang ni Vice Ganda na umere sa Laro Laro Pick segment ng It’s Showtime.
Binanggit kasi ni Vice Ganda ang aniya’y napuntahan niyang Bagacay Elementary School sa Bulusan na inilarawan niyang bulok na paaralan sa probinsya ni Heart Evangelista.
Ibinida ng TV host ang tulong na ibinigay niya sa pagpapaayos ng naturang paaralan.
Kabilang din sa sinita ng komedyante ang kawalan ng reading materials ng school.
Hindi naman itinanggi ng mayor ang tulong mula kay Vice Ganda.
Sa katunayan, umabot nga sa mahigit na P67k ang naibigay nito bilang pampagawa ng mga pasilidad nito.
Pero ani Romano, huwag namang isapubliko pa ‘yon dahil may ambag din ang DepEd Sorsogon, maging ang mga magulang ng mag-aaral.
May mga supplementary reading materials din daw ito–malinaw na taliwas ito sa paglalarawan na “bulok” ang paaralan.
December 2023 at January 2024 nang magbigay ng tulong si Vice Ganda na lubos na ipinagpasalamat ng mga guro ng naturang paaralan.
Kaya nakakahiya naman daw sa DepEd Sorsogon ang pamimintas ng TV host.
Higit sa lahat, inilabas ni Romano si Heart na misis ng dating congressman at gobernador (now Senator Chiz Escudero) dahil wala umano itong kinalaman sa isyu.
Nauna rito, pinalagan na ng personal assistant o PA ni Heart ang tinuran ni Vice Ganda.
Ayon kay Resty Rossel, ano raw ang motibo ni Vice Ganda para banggitin ang pangalan ni Heart?
Dapat din daw ay in-address ng TV host ang kanyang concern sa mga kinauukulan, at hindi kinailangang ipagyabang ang ambag nito as if it was Vice Ganda who helped build the school.
Inaabangan ang reaksyon ni Vice Ganda sa depensa ni Bulusan Mayor Wennie Rafallo-Romano. Ronnie Carrasco III