MANILA, Philippines – Inaasahang mahigit 200 millimeters ng ulan ang ibubuhos ng bagyong Uwan sa 18 lalawigan ng Luzon mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng gabi, sinabi ng PAGASA sa isang heavy rainfall outlook na inilabas bandang 11 p.m. noong Nobyembre 7.
Kabilang sa mga lalawigang ito ang Aurora, Nueva Ecija, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Zambales, Tarlac, at Pangasinan.
Sinabi ng PAGASA na maaaring asahan ng mga lugar na ito ang malawakang insidente ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang Metro Manila, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Occidental Mindoro naman ay magkakaroon ng 100-200 mm na pagbuhos ng ulan habang ang Batanes, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, Camarines Sur, Aklan, at Antique ay makakaranas ng 50-100 mm na pag-ulan.
Si Uwan ay inaasahang magla-landfall sa katimugang bahagi ng Isabela o sa hilagang bahagi ng Aurora sa Linggo ng gabi o sa Lunes ng madaling araw.
Ang bagyo ay tinatayang lalakas pa at magiging isang super typhoon sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga. RNT/MND